Daughters of Saint Paul

Marso 30, 2017 HUWEBES sa Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma / San Juan Climaco

 

Ex 32:7-14 – Slm 106 – Jn 5:31-47

Jn 5:31-47

Sinabi ni Jesus sa mga Judio:  “Kung nagpapatotoo ako sa aking sarili, hindi mapanghahawakan ang patotoo ko. Ngunit iba ang nagpapatotoo sa akin at alam ko na mapanghahawakan ang kanyang patotoo tungkol sa akin.

            Nagsugo rin kayo kay Juan at binigyang-patotoo niya ang katotohanan. Ipinaaalala ko ito dahil sa inyo para maligtas kayo, ngunit hindi ko hangad ang patotoong mula sa tao. Siya nga ay isang ilaw na may sindi at nagningning, at ginusto ninyong magalak pansamantala sa kanyang liwanag.

            “May patotoo naman ako na higit pa kaysa kay Juan – ang mga gawang ibinigay sa akin ng Ama upang tuparin ko ang mga iyon.  Ang mga gawang ginaganap ko ang nagpapatotoo na sinugo ako ng Ama.

            “At nagpatotoo rin sa akin ang Amang nagsugo sa akin. Kailanma’y hindi n'yo narinig ang kanyang tinig ni nakita ang kanyang anyo. At hindi rin nananatili sa inyo ang kanyang salita dahil hindi kayo naniniwala sa kanyang sinugo.

            “Sinaliksik ninyo ang mga Kasulatan sapagkat inaakala ninyong doon kayo magkakaroon ng buhay magpakailanman. Nagpapatotoo nga sa akin ang mga Kasulatan, ngunit ayaw n'yong lumapit sa akin para mabuhay.

            “Hindi ko hangad ang papuri mula sa mga tao, ngunit alam kong walang pagmamahal sa Diyos sa inyong kalooban. Hindi n'yo ako tinatanggap sa pagdating ko sa ngalan ng aking Ama; kung sakaling may pumarito sa sarili niyang ngalan, siya ang inyong tatanggapin.

             Paano kaya kayo makapaniniwala kung ang hangad ninyo’y papuri sa isa’t isa at hindi ang papuring galing sa iisang Diyos ang hanap.

            Huwag n'yong ipalagay na ako ang magsasakdal laban sa inyo sa harap ng Ama. Si Moises ang magsasakdal laban sa inyo, siya na inyong inasahan.

            “Kung pinaniwalaan n'yo nga si Moises, paniniwalaan din sana n'yo ako, sapagkat tungkol sa akin ang sinulat niya. Ngunit kung hindi n'yo paniniwalaan ang mga sinulat niya, paano n'yong paniniwalaan ang mga pananalita ko?”

PAGNINILAY

Mga kapatid, ang paglago sa ating buhay espiritwal hindi nakasalalay sa pagkamit ng kung anu-anong mga tagumpay, katungkulan, karangalan o karunungan.  Sinasabi ng Panginoon na kung papuri din lang ang hanap natin, sa paggawa ng mabuti o sa mga ginagawa nating paglilingkod – huwag na lamang tayong gumawa. Dahil makasarili ang ating hangarin at hindi wagas ang ating paglilingkod.  Ang gawaing mabuti at paglilingkod na kalugod-lugod sa Panginoon yaong magbibigay sa Kanya nang higit kapurihan, at pasasalamat mula sa mga taong pinaglingkuran natin.  Lagi nating alalahaning kasangkapan lamang tayo ng Diyos, at kung nakagagawa man tayo ng mabuti, ito’y dahil sa Kanyang biyaya at pagpapala.  Kaya huwag natin aangkinin ang parangal at papuring nararapat sa Kanya.  Panginoon, lagi nawa Kitang mapapurihan sa aking buhay sa pamamagitan ng mabubuting gawang pinahintulutan Mong magampanan ko.  Amen.