Ebanghelyo: Juan 20:19–23
Agaw-dilim na noon sa unang araw na iyon ng sanlinggo at nakasara ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga Judio, dumating si Hesus at pumagitna. At sinabi niya sa kanila: “ Sumainyo ang Kapayapaan !”
Pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang mga kamay at ang tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad pagkakita nila sa Panginoon.
At muli niyang sinabi sa kanila: “Sumainyo ang Kapayapaan !”
Gaya ng pagkakasugo sa aking ng Ama, gayun ko rin kayo ipapadala.” At pagkasabi nito, hiningahan niya sila at sinabi: “Tanggapin ang Espiritu Santo! Patatawarin ang mga kasalanan ninuman na inyong patawarin; at pananatiliin naman sa sinuman ang inyong panatiliin.”
Pagninilay:
Ano ang ginagawa mo kapag ika’y natatakot?
Nagtatago ka ba, o lumalapit sa presensya ng Diyos?
Sa Ebanghelyo ngayon, ang mga alagad ay nakakulong sa takot.
Sarado ang pintuan, ngunit hindi sarado sa Panginoon.
Dumating si Hesus sa gitna nila.
Ang Kanyang presensya ay hindi kayang hadlangan ng takot o kahinaan.
At ang Kanyang unang kaloob: “peace be with you.” Kapayapaan.
Ito ang kapayapaang nagmumula sa Kanyang muling pagkabuhay.
Pagkatapos, hiningahan Niya sila at sinabi: “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo.”
Ito ay paalala ng bagong paglikha—isang pagbibigay ng bagong buhay.
Ang Espiritu Santo ang nagpapatuloy ng misyon ni Kristo sa Simbahan.
Kasabay nito, ibinigay ang kapangyarihang magpatawad ng kasalanan.
Isang misyon ng awa at pakikipagkasundo.
Mula sa takot, tinawag ang mga alagad tungo sa misyon.
Sa ating buhay panampalataya.
Tinatawag tayong lumabas mula sa ating mga “saradong pintuan.”
At maging saksi ng kapayapaan at awa ng Diyos sa mundo.
Panginoong Hesus, hiningahan Mo kami ng Iyong Espiritu Santo.
Gawin Mo kaming kasangkapan ng Iyong kapayapaan at awa. Amen.
- Fr. Ronel Delos Reyes, ssp l Society of St. Paul