Daughters of Saint Paul

Marso 31, 2017 BIYERNES sa Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma / San Benjamin

 

Kar 2:1a, 12-22 – Slm 34 – Jn 7:1-2, 10, 25-30

Jn 7:1-2, 10, 25-30

Naglibot si Jesus sa Galilea. Ayaw niyang maglibot sa Judea, dahil pinagtatangkaan siyang patayin ng mga Judio. Malapit na ang Piyesta ng mga Judio, na Piyesta ng mga Kubol. Pagkaahon ng mga kapatid niya sa piyesta, siya man ay umahon din pero palihim at hindi lantad.

            Kaya pinagsasabi ng ilan sa mga taga-Jerusalem:  “Hindi ba ito ang balak nilang patayin? Pero tingnan ninyo at lantaran siyang nangungusap, at wala silang anumang sinasabi sa kanya. Totoo kayang alam ng mga pinuno na siya ang Kristo? Subalit alam natin kung saan siya galing. Ngunit pagdating ng Kristo, walang makaaalam kung saan siya galing.”

            Kaya nang mangaral sa Jesus sa Templo, sumigaw siya: “Kilala ninyo kung saan ako galing! Ngunit hindi ako pumarito sa ganang sarili ko. Sinugo ako ng Totoo na hindi ninyo kilala. Kilala ko naman siya sapagkat galing ako sa kanya at siya ang nagsugo sa akin.”

            Pinagtatangkaan nilang dakpin siya ngunit walang nagbuhat sa kanya ng kamay sapagkat hindi pa sumasapit ang kanyang oras.

PAGNINILAY

Mga kapatid, bilang isang tapat na Judio, kailangang magtungo si Jesus sa Jerusalem para sa piyesta ng mga Kubol.  Isa sa pinakamahahalagang pagdiriwang sa kalendaryo ng pagsamba ng mga Judio.  Noong una’y tinatawag itong Piyesta ng Pag-aani, at pagkatapos naging Piyesta ng mga tolda.  Isa itong pagdiriwang ng pasasalamat para sa inaning ubas at olibo sa pagtatapos ng taon.  Ginugunita rin nito ang pagtatanggol at pangangalaga ng Diyos sa Kanyang bayan habang sila’y nakatira sa mga tolda noong sila’y naglalakbay pa sa disyerto.  Ang pagtigil nila sa disyerto, itinuturing ng ilang Judio bilang panahon ng pagbubulong-bulungan ng tao laban sa Diyos.  Itinuturing naman ito ng iba bilang pulut-gata ng Diyos at ng Kanyang asawang Israel, ang panahong pinagaling at pinakain ng Diyos ang batang Israel, at tinuruan itong lumakad.  Sa pagdating ni Jesus, patuloy na pinagagaling at pinakakain ng Diyos ang Kanyang bayan, tinuturuan itong lumakad sa Kanyang daan.  Mga kapatid, magpahanggang ngayon patuloy tayong pinakakain at pinagagaling ng Diyos sa pamamagitan ng sakramento ng Eukaristiya at kumpisal.  Patuloy Niya tayong inaakay at ginagabayang tahakin ang Kanyang landas sa pamamagitan ng Bibliya at Tradisyon.  Paano ba natin tinatanggap ang mga espiritwal na kaloob na ito?  Ngayong panahon ng Kuwaresma, sikapin nating pagyamanin ang mga pagpapalang espiritwal na patuloy nating tinatanggap sa Panginoon.