Daughters of Saint Paul

Abril 4, 2017 MARTES sa Ikalimang Linggo ng Kuwaresma / San Isidro

 

Blg 21:4-9 – Slm 102 – Jn 8:21-30

Jn 8:21-30

Sinabi ni Jesus sa mga Pariseo:  “Aalis ako at hahanapin n'yo ako, at sa inyong mga kasalanan kayo mananatili hanggang mamatay. Hindi nga kayo makaparoroon kung saan ako pupunta.”  Kaya sinabi ng mga Judio:  “Bakit kaya niya sinabing 'Kung saan ako pupunta, hindi kayo makakaparoon?' Magpapakamatay kaya siya?”

           At sinabi ni Jesus sa kanila:  “Mula kayo sa ibaba; mula naman ako sa itaas. Kayo'y mula sa mundong ito; hindi ako mula sa mundong ito. Kaya sinabi ko sa inyo na sa inyong mga kasalanan kayo mananatili hanggang mamatay. Mamamatay nga kayong taglay ang mga kasalanan n'yo kung hindi kayo maniniwala na Ako Siya.”

           At sinabi nila sa kanya:  “Sino ka ba?”  Sinabi naman sa kanila ni Jesus:  “Sinabi ko na sa inyo noon pa. Marami akong masasabi at mahuhukuman tungkol sa inyo. Totoo nga ang nagsugo sa akin; at ang narinig ko mula sa kanya- ito ang binibigkas ko sa mundo.”

           Hindi nila naintindihan na ang Ama ang tinutukoy niya. At sinabi ni Jesus:  “Kapag inyong itinaas ang Anak ng Tao, matatalos n'yo na Ako Siya at wala akong ginagawa sa ganang sarili kundi ayon sa iniaral sa akin ng Ama, ito ang aking binibigkas. Kasama ko nga ang nagsugo sa akin at hindi niya ako binabayaang nag-iisa sapagkat lagi kong ginagawa ang kalugud-lugod sa kanya.”

           Nang sabihin ito ni Jesus, marami ang naniwala sa kanya. 

PAGNINILAY

Ang pagninilay natin sa araw na ito, ibinahagi ni Sr. Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul.  Mababasa sa Lumang Tipan na nagpakilala ang Diyos kay Moises sa nagliliyab na halaman bilang ‘Ako Siya’ na magliligtas sa kanyang bayang Israel mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Sa ebanghelyo natin sa araw na ito, sinasabi naman ni Jesus na sa kanyang pagkamatay sa krus, makikilala natin ang kaganapan ng kanyang pagbubunyag, ang pagpapakilala niya sa atin sa Diyos bilang Ama. Habang nakabayubay siya sa gitna ng langit at lupa, magsisilbing Siyang tulay upang makaisa nating muli ang Diyos. Siya ang matibay na patunay ng mapagpatawad na pag-ibig ng Diyos na humihilom sa lahat ng ating mga sakit sa buhay. Dahil sa bukas-loob at masunuring pagmamahal ni Jesus sa kalooban ng Ama, makakamit niya ang kaligtasan para sa lahat.  Kapatid, may dinaramdam ka ba? Mabigat na problema? Sama ng loob? Masamang bisyo na bumibilanggo sa iyo? Tingnan mo, ang Panginoon nating nakapako sa Krus. Siya lamang ang makapagliligtas sa atin. Hinihintay niya ang paglapit mo at pagtanggap sa kaligtasang dulot niya.  Panginoon, salamat sa pagpapakilala sa amin ng totoong wangis ng Diyos – pagmamahal hanggang kamatayan. Naway masalamin din ito sa aming pakikitungo sa lahat, lalo na sa mga naghihirap. Amen.