Gen 17:3-9 – Slm 105 – Jn 8:51-59
Jn 8:51-59
Sinabi ni Jesus sa mga Judio: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung may magsasakatuparan ng aking salita, hinding-hindi niya masisilayan ang kamatayan.”
Kaya sinabi sa kanya ng mga Judio: “Alam na namin ngayon na may demonyo ka nga. Namatay si Abraham pati ang Mga Propeta, at sinabi mong 'Kung may magsasakatuparan ng aking salita, hinding-hindi siya lalasap ng kamatayan.' Mas dakila ka ba kaysa ninuno naming si Abraham na namatay? Maging ang Mga Propeta ay nangamatay. At sino ka sa akala mo?”
Sumagot si Jesus: “Kung ako ang magmamapuri sa sarili, walang saysay ang papuri ko. Ang aking ama ang pumupuri sa akin, siya na tinuturing n'yo na inyong Diyos. Hindi n'yo siya kilala ngunit kilala ko siya. Kung sabihin ko man na hindi ko siya kilala, sinungaling na ako tulad ninyo. Subalit kilala ko siya at isinasakatuparan ko ang kanyang salita.
“Si Abraham na inyong ninuno ay nagalak na makikita niya ang araw ng padating ko; nakita nga niya at natuwa.”
Kaya winika ng mga Judio sa kanya: “Wala ka pang limampung taon at nakita mo na si Abraham?” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, bago pa man ipinanganak si Abaraham, ako na nga.”
Kaya dumampot sila ng mga bato para ipukol sa kanya. Nagtago naman si Jesus at umalis sa Templo.
PAGNINILAY
Sa pagninilay natin kahapon, binigyang-diin ang ating identity o pagkakakilanlan bilang mga anak ng Diyos. Ngayon naman, pinahahalagahan ni Jesus ang pagsabuhay sa Salita ng Diyos na siyang tatak, na tunay nga tayong mga anak ng Diyos. Sa kalagayan ng ating bansa ngayon na talamak ang patayan at tila nagiging normal na ang pagpatay ng tao, tanungin natin ang ating sarili, karapatdapat pa ba tayong tawaging anak ng Diyos? Gayong sang-ayon tayong patayin ang kapwa nating nagkasala? Tayo din naman mga makasalanan din na umaasa sa habag at awa ng Diyos. Ba’t wala tayong habag sa kapwa nating nagkasala? Sino ba tayo para husgahan silang patayin? Mga kapatid, ngayong panahon ng Kuwaresma paigtingin pa natin ang pagdarasal, hindi lang para sa kaliwanagan ng puso’t isip ng ating mga mambabatas, kundi para din sa ating mga sarili. Na hindi na natitinag at naaapektuhan ng kalakaran nang pagpatay sa mga taong nagkasala, na lalo pang pinaigting sa pagpasa ng death penalty. Humingi tayo ng tawad sa Panginoong Jesus na ating Tagapagligtas dahil hindi natin naipagtanggol ang buhay na pinag-alayan ng Kanyang mahal na dugo sa krus upang maligtas.