Ebanghelyo: Mt 10:7–13
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang kaharian ng Langit.’ Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga mayketong at palayasin ang mga demonyo. Ibigay rin ninyo nang walang bayad ang tinanggap ninyo ng walang bayad. Huwag magdala ng ginto, pilak o pera sa inyong mga bulsa. Huwag magdala ng balutan o sobrang damit o sandalyas o tungkod, sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang ikabubuhay.
Pagdating ninyo sa isang bayan o baryo, maghanap ng isang taong karapat-dapat at makituloy sa kanya hanggang sa inyong pag-alis.
Pagpasok ninyo sa isang tahanan, dasalan ito ng kapayapaan. Kung karapat-dapat ang sambahayang ito, sasakanila ang kapayapaang dinasal ninyo; kung hindi naman karapat-dapat, babalik sa inyo ang inyong dasal.”
Pagninilay:
Nang narito pa si Hesus sa mundo, nagpatawad Siya ng mga kasalanan, nagpagaling ng mga maysakit, bumuhay ng mga patay, nagpalayas ng mga demonyo, nagpakain sa mga nagugutom, nagpatigil ng bagyo at ulan, at higit sa lahat, ipinahayag at itinuro ang kalooban ng Kanyang Ama.
Sa pamamagitan ng mga gawaing ito, ipinunla ni Hesus ang kapayapaan, pag-ibig, at katarungan ng Diyos sa mundo. At nang isugo Niya ang Kanyang mga apostol, ibinigay din Niya sa kanila ang kapangyarihan at misyong ipagpatuloy ang Kanyang mga gawain.
Sa pamamagitan ng ating binyag, tinanggap din natin ang misyong ito na ibinigay ni Hesus sa Kanyang mga apostol. Bilang mga binyagan, tayo rin ay tinatawag na ipagpatuloy ang paghahari ng Diyos sa mundo. Tayo ay inaanyayahang maghasik ng kapayapaan, pag-ibig, at katarungan sa bawat pagkakataon.
Ngunit sa tuwing tayo ay nagkakasala—kapag sinisira natin ang dangal ng ating kapwa, nililibak at pinahihirapan ang mahihirap, winawasak ang kalikasan, at gumagawa ng mga bagay na sumisira sa nilikha ng Diyos—kinakalaban natin ang gawain at paghahari ng Diyos sa mundo.
Kaya tanungin natin ang ating mga sarili: Ako ba ay nakikibahagi sa misyon ng Diyos? Ako ba ay nagiging instrumento ng Kanyang kapayapaan, pag-ibig, at katarungan?
Manalangin tayo: Panginoon, gawin Mo akong instrumento ng Iyong paghahari sa mundo. Nawa sa bawat kong salita at gawa ay maipahayag ko ang Iyong kapayapaan, pag-ibig, at katarungan. Amen.
Fr. Oliver Par, ssp l Society of St. Paul