Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Hunyo 16, 2026 – Martes

Ebanghelyo: Mateo 5:43–48

          Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Narinig na ninyo na sinabi: Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian ang iyong kaaway. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Mahalin ninyo ang inyong kaaway, at ipagdasal ang mga umuusig sa inyo. Sa ganito kayo magiging mga anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa kapwa masama at mabuti, at pinapapatak niya ang ulan sa kapwa makatarungan at di-makatarungan.

Kung mahal ninyo ang nagmamahal sa inyo, bakit kayo gagantimpalaan? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga kolektor ng buwis? At kung ang mga kapatid ninyo lamang ang inyong binabati, ano ang naiiba rito? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga pagano?

Kaya maging ganap kayo gaya ng pagiging ganap ng inyong Amang nasa langit.”

Pagninilay:

“Kaya’t magpakaganap kayo, gaya ng pagiging ganap ng inyong Amang nasa langit” (v. 48). Sa Ingles parang mas nakaka-stress ito: “Be perfect as your heavenly Father is perfect. Kaya ba nating maging perfect gayong marami tayong limitasyon bilang tao? Mahirap di ba? Kapanalig, ang kautusang ito ni Jesus ay hindi naman nangangahulugan ng hindi pagkakaroon ng bahid o imperfections. Binibigyan tayo ng Mabuting Balita ng mga konkretong halimbawa kung paano tayo magiging ganap gaya ng ating Butihing Ama sa langit. Sabi sa verse 44, “ibigin ninyo ang inyong kaaway at idalangin ang mga umuusig sa inyo.” This is what perfection is all about in the mind of God. Yung higitan pa natin kung ano ang karaniwang ginagawa ng mga ordinaryong tao. Natural sa atin ang mag-isip na maghiganti sa taong nakasakit sa atin; ang ibigin lamang at batiin ang mga mabubuti sa atin at iwasan ang mga taong ayaw sa atin. Kaya nga marahil sikat ang golden rule, “Gawin mo sa iba ang nais mong gawin nila sa iyo. The primary reason for doing good to others is to get something good also. Kaya, nakakasama ng loob ’yong matapos mong gawan ng kabutihan ang isang tao; gagawan ka pa ng masama. Ang dami nating mababasa sa social media posts ng ganitong eksena. Wala naman sigurong masama kung mag-expect tayong ibalik ang kabutihang ginawa natin sa ating kapwa. Natural na reaksyon natin ’yon bilang tayo. Subalit kung nais nating maging gaya ng ating Butihing Ama sa langit, itutuloy pa rin natin ang paggawa ng mabuti kahit hindi ito nasusuklian. Hihigitan natin ang karaniwang ginagawa ng nakararami dahil ang model natin ay ang kabutihan ng ating Amang nasa Langit. We won’t settle for less.

  • Sr. Lourdes Ranara, fsp l Daughters of St. Paul