Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Hunyo 12, 2026 – Biyernes

Ebanghelyo: Mateo 11:25–30
Nagsalita si Jesus sa pagkakataong iyon: “Pinupuri kita Amang Panginoon ng Langit at lupa, sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito sa matatalino at marurunong, at ipinamulat mo naman sa mga karaniwang tao. Oo, Ama, ito ang ikinasiya mo.
 Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak.
Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawahin ko kayo. Kunin ninyo ang aking pamatok at matuto sa akin dahil mahinahon ako at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mabuti ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin.”

Pagninilay:

Sa Mabuting Balita ngayon mula kay San Mateo, ipinakikita ni Hesus ang isang napakalalim na katotohanan: nagpapakilala ang Diyos hindi lamang sa marurunong, kundi sa mga may pusong mapagpakumbaba at bukas tulad ng isang bata.

Ipinagdiriwang din natin ngayong araw ang Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus, isang paanyayang pagnilayan ang Kanyang pusong puno ng pag-ibig, awa, at pagpapatawad.

Mga kapanalig, ang puso ang nagbibigay-buhay sa ating katawan. Kapag tumigil ang puso, tumitigil din ang buhay. At sa ating pananampalataya, kapag tumigil tayo sa pagmamahal, para na rin tayong nawalan ng tunay na buhay. Ganito ang Puso ni Hesus—nasugatan sa krus, ngunit hanggang ngayon ay patuloy na bukal ng biyaya at awa. Kung wala ang Kanyang puso, mawawala rin tayo sa landas ng grasya. Kung wala ang Kanyang puso, baka matagal na tayong naligaw.

Kaya may dalawang malinaw na paanyaya ang Panginoon sa atin ngayon: pagbabago at paglapit. Una, ang pagbabago ng puso—ang tinatawag na metanoia. Ang tunay na pagbabago ay hindi lamang panlabas, kundi panloob at taos-puso. Oo, minsan mahirap magbago, lalo na kung nasanay na tayo sa mali. Ngunit hindi tayo tinatawag ng Diyos para matakot, kundi para magbalik-loob. Hindi Niya tayo hinuhusgahan agad: inaanyayahan Niya tayong magsimulang muli. Kapag binuksan natin ang ating puso, doon pumapasok ang Kanyang grasya.

Ikalawa, ang paglapit sa Puso ni Hesus. May mga bagay na hindi natin kayang baguhin sa atin, pero kayang gawin ito ni Hesus kung lalapit tayo sa kanya. Hindi Niya sinabing “ituro mo ang mali ng iba,” kundi “lumapit ka sa Akin.” Sa Kanya, may kapahingahan ang pagod na puso, may kagalingan ang sugatang damdamin. Sa Kanyang Puso, lagi tayong may tahanan, kapatawaran, at panibagong simula.

Ngayon po ay June 12 — kasabay ng pagdiriwang ng ating kalayaan bilang bansa, nawa’y maunawaan din natin na ang tunay na kalayaan ay nagmumula sa pusong malaya sa kasalanan at puno ng pag-ibig ng Diyos. Dahil ang pusong malapit sa puso ni Hesus, tunay ngang malaya. Amen.

Fr. Mat De Guzman