Daughters of Saint Paul

Abril 14, 2017 BIYERNES SANTO Pagdiriwang ng Pagpapakasakit ng Panginoon (Pag-aayuno at Abstinensya) / Santa Ludovina

 

Is 52:13—53:12 – Slm 31 – Heb 4:14-16; 5:7-9 – Jn18:1—19-42

Jn18:1—19-42

Nangakatayo sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae na ina niya, si Mariang asawa ni Cleofas at si Maria Magdalena. Kaya pagkakita ni Jesus sa Ina at sa kanyang mahal na alagad na nakatayo sa tabi, sinabi niya sa Ina:  “Babae, hayan ang anak mo!”  Pagkatapos ay sinabi naman niya sa alagad:  “Hayan ang iyong ina.”  At mula sa oras na iyo'y tinanggap siya ng alagad sa kanila.

            Pagkaraan nito, nakita ni Jesus na natupad na ang lahat. Ngunit kailangang maganap ang isa pang Kasulatan, at sinabi niya:  “Nauuhaw ako!”  May sisidlan naman doon na puno ng mapait na alak. Kaya ikinabit nila sa isopo ang esponghang ibinabad sa alak at idiniit nila sa kanyang bibig. Pagkasipsip ni Jesus ng alak, sinabi niya:  “Natupad na!”  At pagkayuko ng ulo ibinigay ang espiritu.

            Ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay sa Araw ng Pahinga. Paghahanda ng Paskuwa noon, kaya mas dakila pa ang Araw na iyon ng Pahinga. At hiniling nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nasa krus at saka alisin ang mga bangkay.

            Kaya pumaroon ang mga sundalo. Binali nila ang mga binti ng una at pati ng ikalawa na kasama niyang ipinako sa krus. Ngunit pagkasapit nila kay Jesus, nakita nilang patay na siya kaya hindi nila binali ang kanyang mga binti. Gayunma'y sinibat ng isa sa mga sundalo ang kanyang tagiliran at umagos ang dugo at tubig. Ang nakasaksi ang nagpapatunay, totoo ang kanyang patunay. At siya ang nakaaalam na totoo ang kanyang sinasabi kaya maniwala kayo.

PAGNINILAY

Tapos na.  Ganito ang tingin ng marami sa kamatayan.  Matapos ang maraming taong paghihirap sanhi ng malubhang sakit, at halos naubos na ang ipon ng pamilya sa pagpapagamot – ang pagpanaw ng mahal sa buhay na maysakit – ang katapusan ng kanyang mga paghihirap.  Masakit man ito sa pamilyang nawalan, pero magdudulot naman ito ng kaginhawahan sa taong pinalaya na sa kanyang pisikal na karamdaman at sa mahal sa buhay na naiwan. Mga kapatid, hindi katapusan ang kamatayan kundi kaganapan ng buhay.  Sa pagkamatay ni Jesus sa Krus, binigyan Niya ang kaganapan ang Kanyang buhay.  At kung paanong nabuhay Siya nang buhay na buhay, gayon din Niya nadama ang pait ng kamatayan.  Kamatayan ang huling yugto sa buhay-paglilingkod sa tao sa Ngalan ng Diyos.  Sa yugtong ito, mamamasdan ang buong buhay na nalalapit nang magwakas.  At sa pagkamatay ni Jesus sa Krus, tahimik natin Siyang pagmasdan – Siya ang buhay na patunay ng pag-ibig ng Diyos. Manalangin tayo.  Panginoong Jesus, taos-puso po akong nagpapasalamat sa dakilang pag-ibig na inialay Mo sa akin, sa kabila ng aking pagiging makasalanan.  Amen.