Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Hunyo 22, 2026 – Lunes

Ebanghelyo: Mt 7:1–5

          Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Huwag humatol at hindi kayo hahatulan. Kung paano kayo humatol sa inyong kapwa, gayon din kayo hahatulan, at susukatin kayo sa sukatang ginamit ninyo. Bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid? At di mo pansin ang troso sa iyong mata. Paano mo masasabi sa iyong kapatid: ‘Halika, at aalisin ko ang puwing sa iyong mata,’ kung may troso naman sa iyong mata? Mapagkunwari! alisin mo muna ang troso sa iyong mata, at saka mo makikita kung paano aalisin ang puwing sa mata ng iyong kapatid.”

Pagninilay:

May tanong ako: Ilang beses na ba tayong nag-isip ng masama tungkol sa ibang tao… bago pa man natin marinig ang buong kwento? Sinasabi ni Hesus ngayon: “Huwag kayong humusga, upang hindi kayo mahatulan…” At pagkatapos, nakakatawa pero totoo, sinabi Niya: bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid, pero hindi mo nakikita ang troso sa iyong sariling mata? Troso. Sa mata natin. At naghahanap tayo ng puwing sa iba.

Naalala ko si Santo Tomás More, isa sa mga pinaka-matalino at makapangyarihang lalaki sa buong kasaysayan ng Inglatera. Lord Chancellor siya ni Haring Henry VIII. Abogado, manu-nulat, may magandang pamilya. Kilala siya at pinagpipitagan ng lahat. Pero noong sinabi ng hari na dapat ituring siyang pinuno ng Simbahan, imbes na ang Papa, tumahimik si Tomas. Hindi siya nag-sermon. Hindi siya nag-condemn. Nanahimik siya. At sa katahimikan na iyon, maraming tao ang humusga sa kanya. “Traydor siya! Matigas ang ulo! Bakit hindi siya sumunod sa hari?”

Pero sa kanyang kalooban, nagsabi si Tomás,: “Hindi ako makakahatol sa hari. Diyos ang hahatol sa amin pareho.” Bilang parusa, pinugutan siya ng ulo. At alam n’yo ang kanyang huling salita? “Mamamatay ako bilang tapat na lingkod ng hari, pero una sa lahat, lingkod ako ng Diyos.” Walang galit. Walang panghuhusga. Puro katapatan. Ganyan ang taong naunawaan ang Ebanghelyo ngayon.

Sabi naman ni San Juan Crisostomo: hindi nagbabawal sa atin si Hesus na iwasto ang isang nagkakasala; kailangan natin siyang tulungan. Pero hindi bilang kaaway na naghihiganti, kundi bilang doktor na nagbibigay ng lunas. Gets n’yo? Hindi tayo pinatatahimik sa lahat ng oras. May pagkakataon talaga na kailangan nating magsalita, para sa kabutihan ng ating kapwa. Pero, at ito ang importante, ang layunin dapat ay pagalingin, hindi parusahan.

Bago husgahan ang iba, tingnan muna ang iyong sarili. Dahil kung aalalahanin natin ang ating sariling mga pagkukulang, ang ating kahinaan at pagkakamali, hindi tayo magiging mabilis humusga.

Kaya kapanalig: may isang tao ba na mabilis mong hinahatulan? isang kaibigan na may ugaling hindi mo gusto? Isang miyembro ng pamilya na palagi mong pinupuna? Isang katrabaho na lagi mong pinag-uusapan? Subukan nating baguhin ang tanong: “Paano ko siya matutulungan? imbes na “Ano ang masama sa kanya?” Tulad ni Santo Tomás More, maging tapat, maging maawain, at hayaan ang Diyos na maging Hukom.

Manalangin tayo: Panginoon, patawarin Mo kami sa mga pagkakataong mabilis kaming humusga sa aming kapwa. Tulungan Mo kaming tingnan ang aming sariling mga kahinaan bago namin tingnan ang sa iba. At kung kailangan naming magsalita, bigyan Mo kami ng puso ng isang manggagamot, hindi ng isang tagaparusa. Amen.