Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Hunyo 26, 2026 – Biyernes

Ebanghelyo: Mt 8:1-4

Pagkababa ni Jesus mula sa bundok, maraming tao ang sumunod sa kanya.

          Lumapit sa kanya ang isang mayketong, at paluhod na nagsabi: “Ginoo, kung gusto mo, mapapalinis mo ako.” Iniunat ni Jesus ang kanyang kamay, hinipo siya at sinabi: “ Gusto ko, luminis ka!”  Nang oras ding iyo’y gumaling sa kanyang ketong anng lalaki. At sinabi sa kanya ni Jesus: “Mag-ingat ka, huwag mo itong sasabihin kaninuman kundi pumunta ka sa pari para masuri ka niya at ialay ang handog na iniutos ni Moises upang magkaroon sila ng patunay.

Pagninilay:  

Sa Mabuting Balita ngayon, lumapit kay Jesus ang isang ketongin: isang taong sanay ma-reject, sanay na nilalayuan ng mga tao, tahimik na nasasaktan. Ngunit sa halip na magtago, malakas ang loob na nakiusap kay Jesus: “Panginoon, kung nais po ninyo…” Walang pamimilit, walang pag-aangkin kundi pagtitiwala. Simple ngunit malalim ang sagot ni Jesus: “Nais ko.” Hinawakan ni Jesus ang ketongin, isang bagay na mahigpit na ipinagbabawal at kinatatakutan noon, at pinagaling siya.

Ganito kumilos ang Panginoon: hindi Siya natatakot sa ating “dumi:” mga sugat, kasalanan, kahinaan, o mga kahiya-hiyang gawain. Hinahawakan Niya tayo hindi para husgahan, kundi para hilumin. Nais Niyang gumaling tayo. Sa Mabuting Balita, kailangan munang lumapit kay Jesus ang ketongin. Opo, kailangan po natin ng lakas ng loob na amining, “Kailangan po kita, Panginoon.”

Mga kapanalig, marami rin tayong “ketong” na hindi nakikita sa balat, pero ramdam sa puso: sama ng loob, insecurities, paulit-ulit na kasalanan, takot na hindi natin masabi. Madalas, itinatago lang natin o inaayos nang mag-isa. Inaanyayahan tayo ng Mabuting Balita: lumapit ka kay Jesus. Huwag kang matakot. Hindi ka Niya tatanggihan… Maging totoo po tayo sa ating panalangin. Hindi naman kailangang maganda ang mga salita, kailangan lang tapat ang puso. Huwag po tayong mag-atubiling magsabi: “Panginoon, kung nais Mo…” At hayaan ang tugon ni Jesus: “Nais ko.” Maaari ring sa pamamagitan ng isang tao, isang salita, o isang pagkakataong magbago ang “paghawak” Niya. Isang mahalagang paalala po, mga kapanalig: pagkatapos gumaling ng ketongin, pinapunta siya ni Jesus sa pari upang sundin ang tamang proseso at magpatotoo sa tahimik na paraan. Opo, hindi kailangang ipagsigawan ang tunay na pagbabago; isinasabuhay po ito.

Sa ngayon, ano ang kailangan mong ilapit kay Jesus? Huwag mo nang ipagpaliban. Sa mapagpakumbabang paglapit nagsisimula ang himala. At sa Kanyang gentle and compassionate touch, unti-unti Niyang hihilumin hindi lang ang iyong panlabas na “ketong” kundi ang mga “ketong” sa iyong puso. Manalig ka!