Daughters of Saint Paul

Abril 16, 2017 LINGGO ng Pasko ng Pagkabuhay

Gawa 10:34a, 37-43 – Slm 118 – Col 3:1-4 (o 1 Cor 5:6b-8) – Jn 20:1-9

Jn 20:1-9

Sa unang araw ng sanlinggo, maagang nagpunta sa libingan si Maria Magdalena, habang madilim pa. Nang makita niyang tinanggal ang bato mula sa libingan, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus. Sinabi niya sa kanila:  “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.”

            Kaya lumabas si Pedro at ang isa pang alagad, at pumunta sa libingan. Sabay na tumakbo ang dalawa. Ngunit mas mabilis tumakbo ang isa pang alagad kay Pedro, at unang nakarating sa libingan. Pagkayukod niya'y nakita niyang naroroon ang mga telang lino. Ngunit hindi siya pumasok.

            Dumating si Simon Pedro, na kasunod niya, at pumasok siya sa libingan. Nakita niya na nakalatag ang mga telang lino, at ang panyo namang nakatalukbong sa ulunan niya ay di nakalatag gaya ng mga telang lino kundi nakalulon sa mismong lugar nito. Pumasok noon ang isa pang alagad, ang unang nakarating sa libingan, at nakita niya at naniwala siya. Sapagkat hindi pa nila alam ang Kasulatan na kailangan niyang magbangon mula sa mga patay.

PAGNINILAY

Mga kapatid, ang misteryo ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesukristo ang sentro ng ating Kristiyanong pananampalataya.  Ayon nga kay San Pablo apostol, kung hindi nabuhay na maguli ang ating Panginoong Jesus mula sa mga patay – walang saysay ang ating pananampalataya.  Kaya kung ipapahayag ng ating mga labi na si Jesus ang Panginoon at mananalig tayo nang buong puso na Siya’y muling binuhay ng Diyos, maliligtas tayo. Patunay ito ng pagtatagumpay ng Panginoong Jesus laban sa kasalanan at kasamaan. Sa Ebanghelyong ating narinig, ang minamahal na alagad ni Jesus ang siyang naunang nakarating sa libingan.   Naglalarawan ito ng pagtanggap natin sa Misteryo ng Muling Pagkabuhay.  Bagama’t di niya nakita ang katawan ni Jesus, naging bukas siya sa himala ng Muling Pagkabuhay.  Hindi na siya nangailangan nang anumang patotoo dahil lubos na ang kanyang paniniwala.  Pananampalataya ang naging tugon niya sa kaganapan ng Muling Pagkabuhay. Mga kapatid, makikita rin natin sa ating buhay  na kapag hinayaan nating hipuin tayo ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihang nagbibigay-buhay, ang mga pagkamatay na nararanasan natin nababago at nagkakaroon tayo ng “bagong buhay”.  Sa gitna ng kadiliman ng kamatayan, sumisikat pa rin ang liwanag nang ganap na buhay.  Panginoon, sa panahon ng pagsubok at kapighatian lagi ko nawang alalahanin na ito’y pansamantala lamang.  Amen.