Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Hulyo 5, 2026 – Linggo

Ebanghelyo: Mateo 11:25–30

Nagsalita si Hesus sa pagkakataong iyon: “Pinupuri kita Amang Panginoon ng Langit at lupa, sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito sa matatalino at marurunong, at ipinamulat mo naman sa mga karaniwang tao. Oo, Ama, ito ang ikinasiya mo.

 Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak.

Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawahin ko kayo. Kunin ninyo ang aking pamatok at matuto sa akin dahil mahinahon ako at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mabuti ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin.”

Pagninilay:

Lowbat ka na ba? Lowbat ka na ba mula sa iyong trabaho? Lowbat ka na ba mula sa iyong relasyon sa iyong mga mahal sa buhay? Lowbat ka na ba sa iyong espiritwal, mental, at pisikal na buhay? Mga kapanalig, hindi lamang cellphone o mga gadgets ang nalolowbat. Kahit tayong mga tao ay nalolowbat din. Lahat tayo ay nakakaranas ng pagod. Kagaya ng cellphone o anumag gadgets ‘pag ito’y nalowbat kailangan muna tayong tumigil upang mare-charge.

Ito ang paanyaya sa atin ng Panginoong Hesukristo, sa mabuting balita ngayon. Inaanyayahan tayo na mag-recharge sa piling ng ating Panginoon. Sinabi ni Hesus: “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; ako’y maamo at mababang-loob, at makakasumpong kayo ng kapahingahan para sa inyong kaluluwa. Sapagkat maginhawang dalhin ang aking pamatok, at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.”

Madalas nagi-guilty tayong magpahinga sa ating mga ginagawa dahil iniisip natin kung magpapahinga tayo ay nagsasayang tayo ng oras o panahon. Na gi-guilty tayo kasi iniiwasan natin ang realidad ng buhay kung tayo ay nagpapahinga. Mga kapanalig, kailanman ay hindi naging kahinaan ang magpahinga. Kailanman ay hindi naging kahinaan ang humingi ng tulong lalong-lalo na mula sa Dios. Lahat ng kalakasan natin ay nagmumula sa Kanya. Kaya naman inaanyayahan niya tayong magkaroon ng relasyon sa kanya sa pamamagitan ng panalangin.  Hindi tayo nagpapahinga dahil gusto natin takasan ang ating mga responsibilidad pansamantala. Nagpapahinga tayo sa piling ng Dios upang humingi ng lakas at upang mas magampanan pa natin nang mabuti ating mga responsibilidad sa buhay.

Lowbat ka na ba sa iyong buhay pisikal, mental at espiritwal? 

Tara na! Mag-recharge muna tayo sa piling ni Hesus.

  • Fr. Sebastian Gadia, ssp l Society of St. Paul