Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Hulyo 14, 2026 – Martes

Ebanghelyo: Mateo 11:20–24

Sinimulang tuligsain ni Hesus ang mga bayang ginawan niya ng karamihan sa kanyang mga himala, sapagkat hindi sila nagpanibagong-buhay: “Sawimpalad kayong mga bayan ng Corozain at Betsaida! Kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga himalang naganap sa piling ninyo, matagal na sana silang nagsisi nang may abo at sako. Kaya sinasabi ko sa inyo: Mas magiging magaan pa ang sasapitin ng Tiro at Sidon sa araw ng paghuhukom kaysa inyo. At ikaw naman, Capernaum, itataas ka ba sa langit? Hindi, itatapon ka sa kaharian ng mga patay! Sapagkat kung sa Sodom nangyari ang mga himalang naganap sa iyo, nananatili pa sana ngayon ang Sodom. Kaya sinasabi ko sa inyo: mas magiging magaan pa ang sasapitin ng lupain ng Sodom sa araw ng paghuhukom kaysa inyo.”

Pagninilay:

Isinulat ni Sr. Tereresita Burias ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Naranasan mo na ba na sa kabila ng mga kabutihang ginawa mo para sa iba, ay parang walang kwenta kang tao sa paningin nila?

Ganito mismo ang karanasan ng ating Panginoong Hesus sa mga bayan ng Chorazin Betsaida at Capernaum, kung saan nangaral Siya ng Mabuting Balita, nagpagaling ng mga maysaskit, gumawa ng milagro, nagpalayas ng mga demonyo at marami pang mga kabutihan sa mga taong naroroon. Subali’t nagumon sila sa pagkakasala, masasamang bisyo, kapalaluan at mga makamundong mga bagay. Sarado ang mga isip at puso nila sa panawagan ng Panginoon na magbagong-buhay. Ang salita ni Hesus na “woe to you” o “sumpain kayo” ay hindi panunumpa sa kanila, kundi isang babala na kung hindi sila makikinig sa Salita ng Diyos at mabagong-buhay, tunay nga silang mapapahamak.

Tinatawag at inaanyayahan rin tayo ng Diyos na magpakumbaba at magbalik-loob sa Kanya. Mahalagang paalaala ito na huwag nating balewalain ang mga biyayang ibinibigay sa pang araw-araw nating buhay. Nawa’y buksan natin ang ating puso sa Kanyang awa, pag-ibig at Salita.

Panalangin: Panginoon, talagang mahirap talikdan ang mga kasalanan, nguni’t naniniwala ako sa grasya na kaloob ng Espirito Santo. Nawa’y bigyan Niya ako ng lakas na magsisi at magbagong buhay, upang maging kasangkapan Mo para akayin ang iba patungo sa Iyo. Amen.

  • Sr. Teresita Burias, fsp l Daughters of St. Paul