Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Hulyo 13, 2026 – Lunes

Ebanghelyo: Mateo 10:34—11:1

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Huwag n’yong isipin na dumating ako para magdala ng kapayapaan sa lupa. Hindi kapayapaan ang dala ko kundi tabak. Dumating akong taglay ang paghihiwalay: ‘ng tao laban sa kanyang ama, ng anak na babae sa kanyang ina, ng manugang sa kanyang biyenan. At magiging kaaway ng bawat isa ang kanyang mga kasambahay.’ Hindi karapat-dapat sa akin ang mas nagmamahal sa kanyang ama o ina kaysa akin. Hindi karapat-dapat sa akin ang mas nagmamahal sa kanyang anak kaysa akin. At hindi karapat-dapat sa akin ang sinumang hindi nagpapasan sa kanyang krus at sumusunod sa akin. Mawawalan ng kanyang sarili ang sinumang nagpapahalaga nito, at matatagpuan naman ito ng nawawalan ng kanyang sarili. Kung may tumatanggap sa inyo, tinatanggap din niya ako; at kung may tumatanggap sa akin, tinatanggap din niya ang nagsugo sa akin. Kung may tumanggap sa isang propeta dahil propeta ito, tatanggapin din niya ang gantimpalang bagay sa isang propeta; kung may tumanggap sa isang mabuting tao dahil marangal ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay sa isang mabuting tao. Kung may magpainom ng malamig na tubig sa isa sa maliliit na ito dahil sa alagad ko ito, sinasabi kong hindi siya mananatiling walang gantimpala.” Nang matapos si Hesus sa pagtuturo sa Labindalawa niyang alagad, umalis siya roon para magturo at mangaral sa mga bayan doon.

Pagninilay:

Kelan ba nagiging sanhi ng away at pagkakahati-hati ang pagsunod kay Hesus? Narinig natin sa Mabuting Balita na sinabi ni Hesus na hindi siya naparito upang maghatid ng kapayapaan kundi digmaan at away sa loob ng pamilya. Nakakabahala, di po ba? Pero ganon talaga ang mangyayari kung makaiba ng paniniwala at pagpapahalaga ang mga kasapi ng pamilya. Sa usaping pulitika lamang, hati na ang pamilya. Maging nang pumasok ako sa kumbento upang magmadre kinailangan ko ring suwayin ang kalooban ng aking ama upang sundin ang tawag ng Diyos. Bumilang ako ng mga taon bago nya ako lubos na napatawad at natanggap ang bokasyon ko sa pagmamadre. Mahirap mapanindigan ang pagsunod kay Hesus subalit kapag pinili natin ang Diyos at ang kanyang kalooban, tiyak na gagantimpalaan Niya tayo ng higit pa sa ating inaasahan.

  • Sr. Lourdes Ranara, fsp l Daughters of St. Paul