Ebanghelyo: Mateo 11:25-27
Nagsalita si Hesus sa pagkakataong iyon: “Pinupuri kita, Amang Panginoon ng Langit at lupa, sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito sa matatalino at marurunong, at ipinamulat mo naman sa mga karaniwang tao. Oo, Ama, ito ang ikinasiya mo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak.”
Pagninilay:
Stressed ka ba sa kakaisip kung paano masosolusyunan ang lahat ng problema? Mabilis ka rin bang mairita dahil sa napakaraming detalye na kailangan mong asikasuhin? Minsan, pakiramdam natin, kailangan nating kontrolin ang lahat. Kaya mabilis din tayong mapagod, mabahala, at mawalan ng kapayapaan. Kung ganito ang iyong nararamdaman ngayon, para sa iyo ang mensahe ng Ebanghelyo. Sa araw na ito, inaanyayahan tayo ni Hesus na magkaroon ng pusong parang bata. Sapagkat ang Kanyang mga turo ay tunay na mauunawaan at maisasabuhay lamang ng isang pusong mapagpakumbaba at marunong magtiwala. Kaya kung nais nating maging mapagpakumbaba, tularan natin ang isang batang lubos na nagtitiwala sa kanyang mga magulang. Ang pagiging childlike ay hindi pagiging isip-bata. Ito ay pagkakaroon ng pusong marunong magpasalamat, marunong makinig, at marunong umasa sa Diyos. Ibig sabihin, kahit mayroon tayong angking talino at kakayahan, huwag nating bibitiwan ang Panginoon. Patuloy tayong manalangin at makinig sa Kanyang mga salita. Minsan, habang nadaragdagan ang ating kaalaman, karanasan, at kakayahan, nagiging mahirap para sa atin ang magpakumbaba at amining kailangan pa rin natin ang Diyos at ang karunungan ng iba. Tinatawag ni Padre Pio ang ganitong uri ng kayabangan na intellectual pride. May talino nga, ngunit nakakalimutang makinig sa Salita ng Diyos at sa karunungan ng kapwa. Sa halip na maging daan patungo sa Panginoon, nagagamit pa ang talino upang isulong ang pansariling kagustuhan.
Bilang isang taong likas na nag-aalala, madalas kong kailangang paalalahanan ang aking sarili na hindi ako ang may hawak ng mundo. Diyos ang may hawak nito. Kaya naman tumatak sa akin ang paalala ni Fr. Jerry Orbos para sa mga worriers at control freaks na katulad ko: “You relax on a plane though you don’t know the pilot; you relax on a ship though you don’t know the captain; you relax in a bus though you don’t know the driver. Why don’t you relax in life, knowing that God is in control?” Kapanalig, sa araw na ito, hindi hinihingi ng Panginoon na kontrolin mo ang lahat. Ang hinihingi Niya ay ang iyong pagtitiwala. Kaya huwag kang matakot na ipaubaya sa Kanya ang mga alalahaning hindi mo na kayang dalhin mag-isa. Mahal tayo ni Hesus. Siya ay tapat at hindi nagpapabaya na Diyos. Let go and let God. Amen.
- Fr. JK Malificiar, ssp l Society of St. Paul