Ebanghelyo: Mateo 11:28-30
Sinabi ni Hesus: “Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawain ko kayo. Kunin n’yo ang aking pamatok at matuto sa akin na mahinahon ako at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mabuti ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin.”
Pagninilay:
Isinulat ni Sr. Aida Adriano ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay. Kapag meron tayong malaking problema, maaaring sa kalusugan, relasyon, material o moral, ang ating “natural tendency” ay maghanap ng kausap o karamay upang maibsan ang bigat na ating dinadala. Sa ganitong paraan, maaaring makatagpo tayo ng lunas, subali’t pansamantala lamang ito. Sino nga ba ang tunay na makapagbibigay sa atin ng totoong lunas at kasagutan sa ating mabigat na dinadala? Walang iba kundi si Hesus, ang Daan, Katotohanan at Buhay. Kaya’t ang paanyaya Niya ay “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagod at may mabigat na pasanin, at bibigyan ko kayo ng kapahingahan.”
Hindi ipinangako ni Hesus na mawawala ang lahat ng problema natin, ngunit ipinangako Niya na bibigyan Niya tayo ng kapayapaan at lakas habang hinaharap ang mga ito. Kasama natin Siya sa pagpapasan ng ating krus kaya’t ito ay gumagaan.
Isa sa nakakabahalang problema ng ating lipunan ang “depression sa ating mga kabataan”. Marami sa kanila ang nakakaisip na wakasan ang kanilang buhay. Alalahanin natin na bilang Kristiyano, palagiin natin ang pag-asa. Pag-asa sa pagmamahal at pagkalinga ng Diyos na kailanman ay hinding-hindi tayo pababayaan. Sa Kanya, makakatagpo tayo ng kaliwanagang pang-espirituwal, kapayapaan at lakas upang maharap natin ang anumang pagsubok sa buhay.
Ngayong kapistahan ng Mahal na Birhen ng Carmel, ipina-aalaala sa atin na mayroong natatanging pagsanggalang ang Mahal na Birhen para sa lahat ng kanyang mga deboto. Siya rin ay mayroong natatanging tulong na laan, lalung-lalo sa panahon ng kamatayan.
- Sr. Aida Adriano, fsp l Daughters of St. Paul