Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Hulyo 17, 2026 – Biyernes

Ebanghelyo: Mateo 12:1-8

Naglakad si Hesus sa mga taniman ng trigo minsang Araw ng Pahinga. Nagutom ang kanyang mga alagad at sinimulan nilang alisin sa uhay ang mga butil, at kainin ‘yon. Nang mapansin ito ng mga Pariseo, sinabi nila kay Hesus: “Tingnan mo ang iyong mga alagad, gumagawa sila ng ipinagbabawal sa Araw ng Pahinga!” Ngunit sumagot si Hesus: “Hindi n’yo ba nabasa ang ginawa ni David noong magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos at kinain ang tinapay na inihain para sa Diyos gayong bawal sa kanya o sa kanyang mga kasama na kainin ito liban sa mga pari. At hindi n’yo ba nabasa sa Batas na sa Araw ng Pahinga, walang pahinga ang mga pari sa Templo pero wala silang kasalanan dahil dito? Sinasabi ko naman sa inyo: Dito’y may mas dakila pa sa Templo. Kung nauunawaan n’yong talaga ang salitang ito, ‘Awa ang gusto ko, hindi handog,’ hindi n’yo sana hinatulan ang walang-sala. At isa pa’y ang Anak ng Tao ang Panginoon ng Araw ng Pahinga.”

Pagninilay:

Ang mga alagad ni Hesus ay namitas ng uhay at kumain ng mga butil dahil gutom sila. Ayon sa mga Judio lumabag sila sa batas ng pamamahinga. Ipinagtanggol ni Hesus ang mga alagad at pinaalaala na ang batas ay para sa tao, hindi ang tao para sa batas. “Habag ang ibig ko at hindi hain,” sabi ni Hesus. Ang habag ay isang napakagandang emosyon na nagtutulad sa atin sa Diyos sapagkat ang Diyos ay mahabagin. Dahil sa habag, ipinadala ng Ama ang kanyang Bugtong na Anak upang iligtas tayo sa kapahamakan. Ang pagliligtas na iyan ay nauulit araw-araw. Dahil nagkakasala tayo araw-araw. Gusto nating mahalin ang Diyos at tuparin ang Kanyang kalooban ngunit kadalasan nananaig ang ating pagkamakasarili at katigasan ng loob. Salamat sa Diyos, dahil ang kanyang habag ay walang hanggan. Tuwing tayo’y nagsisisi, pinatatawad Niya tayo at patuloy na minamahal. Kung paano tayo kinakahabagan ng Diyos, ganoon rin ang gusto niyang gawin natin sa ating kapwa. May mga pagkakataon na ang ating kapwa ay nakagawa ng masama sa atin. Katulad natin nahihikayat rin sila sa kasamaan at palaging nadudulas.

Kapanalig, handa ka bang magpatawad at magmahal? Kung ang sagot mo ay oo, magiging daluyan ka ng habag ng Diyos. Sa iyo masasalamin ang Diyos na maawain.“ Pinagpala ang mga maawain, sapagkat magkakamit sila ng awa.” Manalangin tayo: Panginoon, palitan mo ang aming pusong mapanghusga at mapagparusa. Gawin Mo itong replica ng Iyong puso: mahabagin, maunawain at mapagmahal. Amen.

  • Sr. Vangie Canag, fsp l Daughters of St. Paul