Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Hulyo 18, 2026 – Sabado

Ebanghelyo: Mateo 12:14-21

Pagkalabas ng mga Pariseo, nag-usap-usap sila kung paano nila masisiraan si Hesus. Nalaman ito ni Hesus kaya lumayo siya sa lugar na iyon. Maraming tao ang sumunod sa kanya. Pinagaling niya ang lahat ng maysakit ngunit inutusan niya sila na huwag siyang ipamalita. Kaya natupad ang sinabi ni Isaias, ang propeta: “Narito ang utusan ko na aking pinili, ang mahal ko na siya kong kinalulugdan. Ilalagay ko sa kanya ang aking Espiritu at siya ang magpapahayag sa mga bansa ng aking mga pasya. Hindi siya makikipagtalo o sisigaw, hindi maririnig sa mga liwasan ang kanyang tinig. Hindi niya babaliin ang sugatang tangkay o papatayin ang aandap-andap na mitsa. Hindi siya titigil hanggang magwagi ang katarungan. Ang kanyang pangalan ang inaasahan ng lahat ng bansa.”

 Pagninilay:

Nakakagulat ang simula ng Mabuting Balita ngayon. Sa kabila ng paggawa ng mabuti ni Hesus, nagpapagaling, nagdadala ng pag-asa sa mga tao – may mga taong lihim na nagpaplano kung paano Siya ipapapatay. Paalala na hindi lahat ng kabutihan agad na tatanggapin o pahahalagahan. Minsan, kahit tama ang ginagawa mo, may mga taong hindi makauunawa, manghuhusga, o kokontra sa iyo.

Ano ang tugon ni Hesus. Hindi Siya nakipag-away. Hindi Siya gumanti. Hindi Siya nagsimula ng kampanya laban sa Kanyang mga kaaway. Sa halip, tahimik Siyang umalis at nagpatuloy sa Kanyang misyon ng pagpapagaling at pagmamahal.

Ganito ang inilalarawan ni Propeta Isaias: “Hindi siya makikipag-away o maninigaw.” Sa mundo ngayon na puno ng sigawan, argumento, at pagnanais na laging manalo, palakasan ng boses, ipinakikita ni Hesus ang kapangyarihan ng kahinahunan. Hindi kailangang patulan ang lahat ng laban. Hindi kailangang sagutin ang lahat ng kritisismo.

Mas maganda pa ang sumunod na paglalarawan: “Hindi niya babaliin ang tambong marupok, at hindi niya papatayin ang ilawang umaandap.” Ganyan magmahal si Hesus. Sa ating panghihina, hindi Niya tayo tinataboy. Kapag tila paubos na ang ating pag-asa, hindi Niya tayo hinuhusgahan. Sa halip, maingat Niya tayong inaalalayan hanggang muling makatayo.

Kapanalig, marahil may bahagi ng buhay mo ngayon na parang “tambong marupok” o “ilawang umaandap.” Maaaring pagod ka na, sugatan, o nawawalan ng direksyon. Narito ang Mabuting Balita: hindi ka susukuan ni Hesus. Hindi tayo sinusukuan ni Hesus! At kung tunay Niya tayong tagasunod, tinatawag din tayong maging ganoon sa iba—hindi pandurog ng mahihina kundi tagapagpalakas; hindi tagahusga kundi tagapagbigay-pag-asa.

Nawa’y hindi na natin dagdagan pa ang maraming galit sa mundong ito. Nawa’y pusong katulad ng puso ni Hesus ang maging ating munting ambag sa lahat ng ating nakakasalamuha araw-araw.

  • Sr. Deedee Alarcon, fsp l Daughters of St. Paul