Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Hulyo 19, 2026 – Linggo

Ebanghelyo: Mateo 13:24-43

Binigyan ni Hesus ang mga tao ng isa pang talinhaga. “Naihahambing ang Kaharian ng Langit sa isang taong naghasik ng mabuting buto sa kanyang taniman. At samantalang natutulog ang mga tauhan, dumating ang kaaway. Hinasikan nito ng masamang damo ang taniman ng trigo at saka umalis. Nang tumubo ang mga tanim at nagsimulang mamunga ng butil, naglitawan din ang masasamang damo. Kaya lumapit sa may-ari ang mga katulong at sinabi: ‘Ginoo, hindi ba’t mabubuting buto ang inihasik mo sa iyong bukid, saan galing ang mga damo?’ Sinagot nila siya: ‘Gawa ito ng kaaway.’ At tinanong naman nila siya: ‘Gusto mo bang bunutin namin ang mga damo?’ Sinabi niya sa kanila: ‘Huwag, at baka sa pagbunot ninyo sa mga damo e mabunot pati ang trigo. Hayaan ninyo na sabay silang tumubo hanggang anihan. At doon ko sasabihin sa mga mag-aani: Bunutin ninyo muna ang mga damo, at bigkisin para sunugin; at saka kunin ang lahat ng trigo at tipunin sa aking kamalig.”

Pagninilay:

Mabilis ka bang maghusga? Yung sa unang tingin, feeling mo alam mo na agad kung anong klaseng tao ang kaharap mo?

Minsan, isang pagkakamali lang, may hatol na tayo.

Isang narinig na kuwento, may opinyon na tayo.

Isang pagkukulang, parang alam na natin ang buong pagkatao.

Ngunit sa Ebanghelyo ngayon, pinaaalalahanan tayo ni Hesus na hindi lahat ng nakikita natin ay ang buong katotohanan.

Sa talinghaga ng trigo at damo, parehong lumalaki ang dalawa sa iisang bukirin.

Hindi agad sila pinaghiwalay.

Hindi dahil walang pakialam ang may-ari sa damo, kundi dahil may tamang panahon para hatulan o alisin ito.

Ganito rin ang Diyos sa atin. Siya lamang ang tunay na nakakakita ng puso ng tao.

Nakikita Niya ang mga sugat na hindi natin nararamdaman.

Nakikita Niya ang mga laban na hindi natin namamalayan.

At higit sa lahat, nakikita Niya ang posibilidad ng pagbabago sa isang tao.

Madalas, gusto nating tapusin agad ang kuwento.

Ngunit ang Diyos ay Diyos ng mga bagong kwento.

Ang taong makasalanan ngayon ay maaari pang magbago.

Habang tayo ay tumitingin sa kamalian ng iba, ang Diyos ay tumitingin sa pag-asa ng pagbabagong loob niya.

“Kaya bago tayo manghusga, matuto muna tayong umunawa.

Sapagkat ang awa ng Diyos na ipinadarama sa iba, ay siya ring awa na patuloy na ating nadarama.”

Panginoon, bigyan Mo kami ng pusong mapagpakumbaba at maawain.

Turuan Mo kaming makita ang iba sa pamamagitan ng Iyong mga mata.

At tulungan Mo kaming magtiwala sa kapangyarihan ng Iyong biyayang nagbabago ng buhay ng minamahal niya. Amen.

  • Fr. Ronel Delos Reyes, ssp l Sciety of St. Paul