Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Hulyo 20, 2026 – Lunes

Ebanghelyo: Mateo 12:38-42

Sinabi ng ilang guro ng Batas at mga Pariseo: “Guro, gusto naming makakita ng tanda mula sa iyo.” Sumagot si Hesus: “Isang palatandaan ang hinihiling ng masama at di-tapat na lahing ito ngunit walang palatandaang ibibigay sa kanila, maliban sa palatandaan ni Propeta Jonas. Kung paanong tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng balyena si Jonas noon, gayundin naman tatlong araw at tatlong gabing mananatili sa ilalim ng lupa ang Anak ng Tao. Sa paghuhukom, babangon ang mga taga-Ninive kasama ng mga taong ito at hahatulan ang salinlahing ito sapagkat nagpanibagumbuhay sila sa pangangaral ni Jonas, at dito’y may mas dakila pa kay Jonas. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog, kasama ang mga taong ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon, at dito’y may mas dakila pa kay Solomon.”

Pagninilay:

Paano nga ba nakakamit ang karunungan? Nakakamit ito sa tapat na paghahanap. Sinipi ng ating Hesus Maestro ang Reyna ng Sheba mula sa Aklat ng mga Hari. Tanyag siya. May awtoridad, pero naghanap pa siya ng tunay na karunungan. Dinayo niya si Haring Solomon. Alam ng Reyna na hinandugan ng Diyos ang hari ng pusong nakakaunawa. Marunong maghusga ng tama at nakikilala ang mabuti sa masama. Paano naman malalaman ang tunay na karunungan? Kung intelligent ka pero kung walang direksyon ang iyong pamumuno at hindi nakaugat sa Diyos, artipisyal ka lang. May ibang nagmamanipula sa iyo. Pwede rin nating tingnan sa pagiging matalino, mabilis magbigay ng sagot, sari-sari ang alam pero kung wala namang puso, robot kang matuturingan. Kapanalig, hindi mekanikal na kaalaman ang karunungan kundi buhay na nagbubunga ng pag-ibig, kabutihan, katarungan,at katapatan. Ayon nga kay Pope Leo sa kanyang Magnifica Humanitas, lagi nating ikintal sa ating isipan ang karunungan at katotohanan tungkol sa Diyos. Dito nagiging bukal ng pag-unawa ang ating isip, at nagiging sisidlan ng liwanag ng katotohanan ang ating kalooban.

  • Sr. Gemmaria Dela Cruz, fsp l Daughters of St. Paul