Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Hulyo 21, 2026 – Martes

Ebanghelyo: Mateo 12, 2026 – Martes

Nagsasalita pa si Hesus sa mga tao nang dumating ang kanyang ina at mga kapatid para makipag-usap sa kanya, at naghihintay sila sa labas. Kaya may nagsabi sa kanya: “Nasa labas ang iyong ina at mga kapatid; gusto ka nilang makusap.” Sumagot si Hesus nagsabi sa kanya: “Sino ang aking ina? Sino ang aking mga kapatid?” At itinuro niya ang kanyang mga alagad at sinabi: “Narito ang aking ina at mga kapatid. Ang nagsasagawa sa kalooban ng aking Ama sa Langit ang aking kapatid na lalaki at kapatid na babae at ina.”

Pagninilay:  

Kapanalig sa palagay mo, nasaktan ba o naisulto si Mama Mary sa naging sagot ni Hesus? Sabi sa verse 47, “May nagsabi sa Kanya, ‘Ang iyong ina at mga kapatid ay naririto, ibig kang kausapin.’” Subalit anong sagot ni Hesus? Sabi sa verse 48-49, “Sino ang aking ina at sinu-sino ang aking mga kapatid? At itinuro ang kanyang mga alagad.”

Kung sa ibang magulang siguro gawin ito, tiyak na masasaktan sila. Rejection ito, di ba? Minsan may nadalaw akong matanda sa isang Home for the Aged. May sakit siya, kaya inaalagaan siya ng mga madre. Pero sa aming pag-uusap, napag-alaman ko na meron pala siyang mga anak, subalit pinabayaan na siya ng mga ito nang magkaroon sila ng sariling pamilya. Nagpalaboy siya hanggang makuha siya ng mga madre, inalagaan at ginamot. Nakakalungkot, subalit realidad ito sa ating lipunan. Mabuti ’yong merong mga anak na may maayos na trabaho dahil nakakaya nilang magbayad ng mag-aalaga sa kanilang mga matandang mga magulang kapag di nila maalagaan. Siguro may pagkukulang din ang matanda kaya natiis siya ng kanyang mga anak.

Pero sa ating Mabuting Balita ngayon, iba ang sitwasyon. Hindi pagtatwa kay Santa Maria ang naging reaksyon ni Hesus; bagkus, na-highlight pa nga ang exemplary character ni Mama Mary. Sabi ni Hesus sa verse 50, “Ang sinumang tumutupad sa kalooban ng Amang nasa langit ay aking kapatid at aking ina.” Si Santa Maria ang ating modelo ng isang tumutupad sa kalooban ng Amang nasa langit. Mula nang pumayag siyang maging Ina ni Hesus, na ating tagapagligtas, sa kanyang paggabay sa mga alagad ni Hesus, hanggang sa kanyang huling hininga.

Additional: Ikaw, kapanalig, nais mo bang mapabilang sa pamilya ni Hesus? Sundin natin lagi ang kalooban ng ating Amang nasa langit.

  • Sr. Lourdes Ranara, fsp l Daughters of St. Paul