Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Agosto 1, 2026 – Sabado

Ebanghelyo: Mateo 14:1-12 

Umabot kay Haring Herodes ang katanyagan ni Jesus. At sinabi niya sa kanyang mga kasambahay: “Si Juan Bautista siya. Nabuhay si Juan mula sa mga patay kaya nagkakabisa sa kanya ang makalangit na kapangyarihan.” Si Herodes nga ang nagpahuli kay Juan, at nag-utos na ikadena ito at ikulong dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid. Sapagkat sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi mo siya puwedeng maging asawa.” Talaga ngang gusto ni Herodes na patayin siya pero takot siya sa mga tao na kumikilala kay Juan bilang propeta. Kaarawan ni Herodes at nagsayaw ang anak na babae ni Herodias, at nasiyahan si Herodes sa kanya. Kaya sinumpaan niya ang isang pangako na ibibigay sa kanya ang anumang hingin niya. At sinabi ng babae ayon sa turo ng kanyang ina: “Ibigay mo rito sa akin ang ulo ni Juan Bautista sa isang bandeha.” Nasaktan ang hari ngunit napanumpaan na niya ang pangako sa harap ng mga bisita kaya iniutos niya na ibigay iyon sa kanya. At pinapugutan niya ng ulo si Juan sa kulungan; inilagay sa isang plato ang kanyang ulo at ibinigay sa babae, at dinala ito ng babae sa kanyang ina. At pagkatapos ay dumating naman ang mga alagad ni Juan at kinuha ang kanyang katawan at inilibing. At pagkatapos ay ibinalita nila ito kay Jesus.

 

Pagninilay:

Si Juan Bautista. Siya ang tipong hindi natatakot magsabi ng totoo kahit alam niyang delikado ang kanyang estado. Parang mga journalists ngayon na nagpo-post ng exposẽ o nagbabalita sa radyo tungkol sa korapsyon, abuso, o anomalya. Sila ngayon ang binabash, binabantaan, pinapatahimik, at ang masakit dito, may pinaslang na. May makabagong Herodes ngayon na makapangyarihan na ayaw mapahiya online. Dahil sa pressure ng crowd at sa pride, kaaway nila ang mga Juan. Totoo na may mga taong mali na nga sila, pinoprotektahan pa rin ang image kaysa sa katotohanan. Ang lesson? Huwag tayong maging passive scroller lang. Suportahan ang nasa katotohanan. Kung may nakikita tayong mali, huwag tayong matakot magsalita o mag-share ng mga nakakaenlighten na news items. Makialam. Makisangkot. Ito ang papel natin bilang tinaguriang propeta. Sa ating Simbahan, kahit risky, ang pagpapahayag ng katotohanan ang ating priority.

  • Sr. Gemma Dela Cruz, fsp | Daughters of St. Paul