Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Agosto 9, 2026 – Linggo

Ebanghelyo:  Mateo 14:22-33

Matapos pakainin ang mga tao, agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo habang pinaalis niya ang mga tao. At pagkaalis ng mga tao, mag-isa siyang pumunta sa kaburulan para manalangin. Nag-iisa siya roon nang gumabi. Samantala, malayo na sa lupa ang bangka, sinasalpok ng mga alon sapagkat pasalungat sa hangin.  Nang madaling araw na, pinuntahan sila ni Jesus na naglalakad sa dagat. Nang makita nila siyang naglalakad sa dagat, natakot sila, at akala nila’y multo siya. Kaya sumigaw sila. Ngunit agad niyang sinabi sa kanila: “Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot.” Sumagot si Pedro; “Panginoon, kung ikaw nga, papuntahin mo ako sa iyo na naglalakad sa tubig.” At sinabi niya: “Halika.” Bumaba naman sa bangka si Pedro at naglakad sa tubig papunta kay Jesus. Ngunit natakot siya sa harap ng malakas na hangin at lumubog na. Kaya sumigaw siya: “Panginoon, iligtas mo ako!” Agad na inunat ni Jesus ang kanyang kamay at hinawakan siya, at sinabi: “Taong kaunti ang pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?” Nang nakasakay na sila sa bangka, tumigil ang hangin. At umuko sa harap ni Jesus ang mga nasa bangka at sinabi:”Totoo nga ikaw ang Anak ng Diyos!”

Pagninilay:

Kapansin-pansin sa social media na parang ang daming nagsasabi ngayon na kailangan nating maging matatag. “Be strong.” “Kaya mo ‘yan.” “Don’t let them see you struggle.” Parang kailangang laging productive, laging okay, laging may kontrol. Kaya kapag napapagod tayo o hindi na natin alam ang gagawin, madalas itinatago na lang natin. Ayaw nating magmukhang mahina.

Sa Ebanghelyo, si Pedro ang naglakas-loob na maglakad sa ibabaw ng tubig. Ngunit nang makita niya ang lakas ng hangin, nagsimula siyang lumubog. Hindi na siya nagkunwaring kaya pa niya. Sumigaw siya, “Panginoon, iligtas Mo ako!” At bago pa siya pagsabihan ni Hesus, una muna Siyang nag-unat ng kamay upang iligtas si Pedro. Ipinapakita ni Hesus na ang pananampalataya ay hindi ang pagpapakitang matatag tayo, kundi ang pagpapakumbabang amining kailangan natin Siya.

Mga kapatid, hindi kahinaan ang pag-amin na kailangan natin ang Diyos. Ang tunay na pananampalataya ay hindi ang hindi kailanman lumulubog, kundi ang pagtitiwalang sa bawat pagkalubog, naroon si Kristo, handang umabot at magligtas.

Manalangin tayo: Panginoon, kapag napapagod kaming magkunwaring matatag, turuan Mo kaming maging tapat sa Iyo. Bigyan Mo kami ng lakas na amining kailangan Ka namin at ng pusong buong-pagtitiwalang tatawag sa Iyo sa gitna ng aming kahinaan. Sapagkat ang Iyong kamay ay laging sapat upang kami’y ibangon. Amen.

  • Cl. Anjon Mamunta, ssp | Society of St. Paul