Ebanghelyo: Mateo 24:42-51
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Magbantay kayo sapagkat hindi n’yo alam ang araw ng pagdating ng inyong Panginoon. Isipin n’yo ito: Kung alam ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi darating ang magnanakaw, magbabantay siya at hindi niya pababayaang pasukin ang bahay. Kaya maging handa kayo dahil sa oras na hindi n’yo inaasahan darating ang Anak ng Tao. Isipin n’yo ito: may tapat at matalinong katulong at sa kanya ipinagkatiwala ng kanyang amo ang sambayanan nito para bigyan sila ng pagkain sa tamang oras. Kung sa pagdating ng kanyang amo ay matagpuan siya nitong tumutupad sa kanyang tungkulin, mapalad ang katulong na ito. Talagang sinasabi ko sa inyo na ipagkakatiwala sa kanya ng amo ang lahat nitong pag-aari. Sa halip ay nag-iisip naman ang masamang katulong: ‘Magtatagal ang aking Panginoon.’ Kaya sinimulan niyang pagmalupitan ang mga katulong na kasama niya samantalang nakikipagkainan at nakikipag-inumang kasama ng mga lasing. Ngunit darating ang panginoon ng katulong na iyon sa oras na hindi niya inaasahan at sa panahong hindi niya alam. Palalayasin niya ang katulong na ito at pakikitunguhang gaya ng mga mapagkunwari. Doon nga may iyakan at pagngangalit ng ngipin.”
Pagninilay:
Sa paglilingkod, what motivates you para kumilos nang tama at tapat? Magkaiba ba ang performance mo kung may nagmamatyag at walang nakatingin? Kung ipinagkatiwala naman sa iyo ang pamamahala, paano ka maglingkod? Namomotivate ka ba sa kung ano ang mapapakinabangan mo, o namamahala ka dahil may malasakit ka para sa sambayanan? Bukod pa rito, dapat gising, matiyaga… maalaga ang pagiging lingkod. Hindi para sa sarili, kundi para sa karamihan. Sa Senado naging lantad sa mata ng mundo ang mga maling asal ng mga Senador. Nagmamatigas sa baluktot na prinsipyo. Kumakapit sa posisyon dahil sa maitim na motibasyon. Kahit na wala sa lugar, gustong makipagtunggali. Hello. Di ba may consequence ang ganyang manners? Mawawala ang tiwala ng sambayanan, at mawawalan ng pag-asa ang tao sa pamahalaan. Mawawala rin ang tiwala ng mundo. Baka wala na ring mag-invest sa Pilipinas dahil sa kawalan ng integridad. At higit sa lahat, baka magkawatak-watak ang ating bayan. Kapanalig, sana sa ating simpleng paraan ng paglilingkod, i-double natin ang ating work. Hindi sa kung ano ang masusungkit natin bilang kapalit, kundi gawin natin itong offering. Magsacrifice tayo para sa ikapagbabagong-loob ng mga kapatid natin na mambabatas. Lagi rin nating i-check, tama ba ang aking motibasyon sa paglilingkod? Mapapatunayan natin na tunay tayong naglilingkod sa paghele ng natutulog na sanggol, sa paghawak sa kamay ng nalulungkot, sa pagdalaw sa maysakit, kung wala tayong hinihintay na kapalit.
- Sr. Gemma Dela Cruz, fsp | Daughters of St. Paul