Gawa 6:1-7 – Slm 33 – 1P 2:4-9 – Jn 14:1-12
Jn 14:1-12
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Huwag mabagabag ang inyong mga puso. Manalig kayo sa Diyos, at manalig din kayo sa akin. Maraming silid sa bahay ng aking Ama. Kung hindi’y hindi ko sana sinabi sa inyong: ‘Pupunta ako upang ipaghanda kayo ng lugar.’ At pag pumunta na ako at naipaghanda kayo ng lugar, muli akong darating at dadalhin ko kayo sa akin upang kung saan ako naroon, gayon din naman kayo.
“At alam n’yo ang daan sa pupuntahan ko.” Sinabi sa kanya ni Tomas: “Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Paano namin malalaman ang daan?” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang sinumang nakalalapit sa Ama liban sa pamamagitan ko.” Kung nakilala sana ninyo ako, nakilala rin ninyo ang aking Ama. Ngunit kilala n’yo na siya at nakita n’yo na siya.”
Sinabi sa kanya ni Felipe: “Panginoon, ituro mo na sa amin ang Ama at sapat na sa amin.” Sumagot sa kanya si Jesus: “Diyata’t matagal na panahon n’yo na akong kasama at hindi mo pa ako kilala Felipe? Sa pagkakita sa akin ninuman, ang Ama ang nakita niya. Paano mong masasabi: ‘Ituro mo sa amin ang Ama’?
“Hindi ka ba naniniwalang nasa Ama ako at nasa akin ang Ama? Hindi mula sa sarili ko sinasabi ang mga salitang aking binibigkas. Sa akin nanunuluyan ang Ama, at siya ang gumagawa ng kanyang mga gawa. Maniwala kayo sa akin na nasa Ama ako at nasa akin ang Ama. Kung hindi dahil sa akin, maniwala kayo dahil man lamang sa mga gawa.
“Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magagawa ng nananalig sa akin ang aking ginagawa; at mas dakila pang mga bagay ang kanyang gagawin. Sapagkat sa Ama ako papunta.”
PAGNINILAY
Mga kapatid, paglalakbay pauwi sa bahay ng Ama ang buhay natin sa mundo. Nauna na sa atin ang Panginoong Jesus para ihanda ang mga kuwarto natin at salubungin tayo pagdating natin. Siya rin ang daan sa paglalakbay nating ito upang hindi tayo maligaw, at makarating nang maluwalhati sa piling ng ating Ama sa langit. Manalangin tayo. Panginoon, marami at sanga-sanga ang landas sa paglalakbay namin sa buhay na ito; nahihirapan kaming magpasya para piliin ang tama at dapat. Tanglawan nawa kami ng Iyong Espiritu upang makita na Ikaw ang daan patungo sa Ama. Bigyan Mo po kami ng lakas ng loob na naisin ang mabuti para sa amin, at buhayin Mo ang aming pag-asa upang hindi kami masiraan ng loob sa patuloy naming paglalakbay sa gitna ng marami naming suliranin sa buhay. Amen.