Gawa 18:9-18 – Slm 47 – Jn 16:20-23
Jn 16:20-23
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, tatangis kayo at tataghoy ngunit magagalak naman ang mundo. Malulungkot kayo ngunit magiging kagalakan ang inyong kalungkutan. Namimighati ang babaeng malapit nang manganak sapagkat sumapit na ang oras niya. Ngunit pagkasilang sa sanggol, hindi na niya naaalaala ang dalamhati dahil sa galak: pumasok sa mundo ang isang tao!
“Gayundin kayo namimighati ngayon. Ngunit muli ko kayong makikita at magagalak ang inyong kalooban, at walang makaaagaw sa galak ninyo. At sa araw na iyon, wala na kayong itatanong sa akin sapagkat talagang sinasabi ko sa inyo na anumang hilingin n’yo sa Ama sa Ngalan ko ay ipagkakaloob niya sa inyo.”
PAGNINILAY
Narinig natin sa Ebanghelyo, na muling isinalaysay ni Jesus sa isa pang pagkakataon ang pangako ng langit at buhay na walang hanggan kapiling ang Diyos, bago ang kanyang pagbalik sa Ama sa langit. Para bang, sa ikalawang pagkakataon, ipinapahayag ni Jesus ang mga “Beatitudes” at pangako ng langit. Hindi tulad ng pangakong langit ng mundo ang “pangakong langit ng Diyos.” Ibang- iba ito sa nakagisnan at nakasanayan nating “langit” sa mundo. Mga langit na may hangganan at katapusan gaya ng panandaliang aliw at saya, mga langit na parang isang bulang naglalaho at lumilipas lamang. Mayroon ngang langit! at ito ang pinatutunayan ng ating ebanghelyo ngayon. Pero mahirap itong maunawaan ng isang tao na puno ng kalaswaan at imoralidad ang kaisipan. Kaya nga, inaanyayahan tayo ni Jesus na simulan nating asamin at hilingin sa Diyos ang isang makalangit na buhay. Isang buhay na may pagmamahal, pagpapatawad at malasakit sa kapwang inaapi at nagdurusa. Isang buhay na nakalaan sa paglilingkod at pagtulong sa mga taong nangangailangan. Isang buhay na puno ng saya at kagalakan bunga ng taos-pusong paglilingkod na hindi naghihintay ng kapalit, at tanging pagmamahal sa Diyos at kapwa ang laging inaasam. Mga kapatid, ang langit hindi lugar na pinapangarap nating puntahan pagkatapos ng maikling buhay na pinahiram sa atin ng Diyos. Ang langit, nararanasan na natin ngayon, sa tuwing pinananaig natin ang kabutihan kaysa kasamaan; ang pagmamahal kaysa poot; ang pagpapatawad kaysa paghihiganti. Hilingin natin sa Diyos ang biyayang makita at maranasan ang langit dito sa lupa sa pamamagitan ng ating pagmamahal at pagtalimang sundin ang kalooban ng Diyos.