Gawa 19:1-8 –Slms 68 – Jn 16:29-33
Jn 16:29-33
Sinabi ng mga alagad kay Jesus: “Talaga, tahasan ka nang nangungusap ngayon, at hindi na sa paghahambing nagsasalita. Alam na namin ngayon na alam mo ang lahat at hindi mo kailangang may magtanong pa sa iyo. Dahil dito kaya kami naniniwala na sa Diyos ka galing.” Sumagot sa kanila si Jesus: “Naniniwala ba kayo ngayon? Narito’t parating ang oras at sumapit na upang mangalat kayo—ang bawat isa sa kanya-kanyang sarili—at ako naman ay iiwan n’yong nag-iisa. Ngunit hindi ako nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama.
“Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang sa akin kayo magkaroon ng kapayapaan. Nagdadalamhati kayo sa mundo pero lakasan n’yo ang loob, nagtagumpay ako sa mundo.”
PAGNINILAY
Mga kapatid, sa tinagal-tagal nang kasama ni Jesus ang kanyang mga alagad, hindi pa rin lubos makuha ni Jesus ang buong pagtitiwala ng mga ito. Narinig natin sa ebanghelyo kung anong klaseng pagtitiwala mayroon ang kanyang mga alagad. Ito’y paniniwalang hindi buo at mahina. Naniniwala lamang sila kay Kristo, na tunay ngang galing Siya sa Ama dahil sa napakaraming bagay at milagro na ginawa ni Jesus – tulad ng pagpapagaling sa mga may kapansanan. Saksi silang lahat sa mga mabubuting ginawa ni Jesus, mga gawang hindi mahigitan ninuman. Naniwala sila dahil sikat Siya. Naniniwala sila dahil sa kakayahan Niyang taglay. Pero nang sabihin ni Jesus na nalalapit na ang oras ng Kanyang kamatayan, dito nasukat ni Jesus ang kanilang pagtitiwala sa Kanya. Alam nating lahat kung paano siya ipinagkanulo ng ilan sa Kanyang mga alagad. Hindi kayang tanggapin ng Kanyang mga alagad na Siya’y magpapakasakit at mamamatay sa krus. Hindi nila kayang tanggapin na ang taong tinuturing nilang sikat, magdurusa pala. Mga kapatid, kahit ganito pa man ang pagtitiwalang ipinakita ng mga alagad kay Jesus, hindi pa rin Niya kayang iwanan ang mga ito. Sa halip, pinatatag ng Panginoon ang kalooban ng Kanyang mga alagad nang sabihin Niyang: “Lakasan n’yo ang inyong loob dahil magtatagumpay ako sa mundo.” Sa ating pang-araw-araw na buhay, nawa’y ang mga salitang ito ng Panginoon ang siya ring magpatatag sa ating kalooban. Sa mga panahong nahaharap tayo sa mga sitwasyong nasusubukan din ang ating pagtitiwala, lagi sana nating alalahanin na si Jesus ang palaging gumagabay sa atin, na nagsasabing mapagtatagumpayan natin ang lahat ng pagsubok sa buhay kasama Siya. Magtiwala tayo sa Kanya.