Sof 3:14-18a [o Rom 12:9-16] – Is 12 – Lk 1:39-56
Lk 1:39-56
Nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan! Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon.”
At sinabi ni Maria: “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas dahil isinaalang-alang niya ang bale-walang utusan niya, at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi.
“Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan. Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t salinlahi para sa mga may pitagan sa kanya. Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig, ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak.
“Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinampok naman ang mga balewala. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at itinaboy namang walang-wala ang mayayaman.
Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod, inalaala ang kanyang awa ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman.”
Mga tatlong buwang nanatili si Mariang kasama ni Elizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay.
PAGNINILAY
Narinig natin sa Ebanghelyo ang Awit ni Maria o ang Magnificat sa wikang Latin. Isinasaysay sa awit na ito ang pananampalataya at pag-asa ng Israel, at ibinubunyag din nito ang kabuuang planong pagliligtas ng Diyos. Isa itong panalangin ng pasasalamat sa Diyos sa Kanyang mapanligtas na pakikisangkot sa kasaysayan. Ipinapahayag din sa awit na Magnificat na ang mga dukha at binabalewala ang makikinabang sa pakikisangkot at pagliligtas na ito ni Yahweh. Ang pagliligtas na ito nagkaroon ng kaganapan sa pamamagitan ng Panginoong Jesus, ang nagdurusang Lingkod. Mga kapatid, maraming ginawa ang Diyos na mga dakilang bagay para sa atin. Pinatawad tayo sa ating mga kasalanan. Tinanggap tayong muli at tinubos sa kabila ng maraming ulit natin Siyang tinalikdan. At sa kahuli-hulihan, ipinadala Niya ang Kanyang kaisa-isa at pinakamamahal na Anak para iligtas tayo at ibalik sa ating tunay na tahanan – ang Langit. Kasama ng Mahal na Birheng Maria, awitin natin nang buong pagmamahal ang Magnificat bilang pasasalamat sa walang hanggang pag-ibig ng Diyos sa atin.