Tb 2:9-14 – Slm 112 – Mk 12:13-17
Mk 12:13-17
Gustong hulihin ng mga Judio si Jesus sa sarili niyang mga salita. Kaya pinapunta nila kay Jesus ang ilan sa mga Priseo kasama ng mga kampi kay Herodes. Nilapitan nila siya at sinabi: “Guro, nalalaman naming tapat ka at hindi napapadala sa iba. Hindi ka nagsasalita ayon sa kalagayan ng tao kundi ang daan ng Diyos ang tunay na itinuturo. Kaya ayon ba sa Batas na magbayad ng buwis sa Cesar?”
Nang makita ni Jesus ang kanilang pagkukunwari, sinabi niya sa kanila: “Bakit n'yo ako sinusubok? Akin na ang isang denaryo.” Iniabot nila sa kanya ang isang denaryo at sinabi sa kanila ni Jesus: “sino ang nakalarawan dito, na narito rin ang kanyang pangalan?” Sumagot sila: “Ang Cesar.” At sinabi niya sa kanila: “Ibigay nga sa Cesar ang para sa Cesar, at sa Diyos ang para sa Diyos.” Lubha silang namangha sa kanya.
PAGNINILAY
Mga kapatid, malinaw ang mensahe sa atin ng Panginoon ngayon. Ibigay kay Ceasar ang para kay Ceasar; at sa Diyos ang para sa Diyos. Paano ba natin ito uunawain sa kalagayan ng ating bansa sa ngayon? Kung nagsasabi tayong mahal natin ang Diyos at tumutupad tayo sa Kanyang mga utos, di ba marapat lamang na hindi tayo sasang-ayon sa mga sistema sa ating lipunan na labag sa utos ng Diyos? Katulad ng pagpatay sa mga taong sangkot sa droga na hindi dumaan sa tamang proceso? Hindi kaila sa atin na napakarami nang tao ang pinatay, sa malawakang giyera ng pamahalaan laban sa droga. At marami sa ating mga Kristiyano ang sang-ayon dito, dahil naimpluwensiyahan na rin tayo ng pananaw – na salot sila sa lipunan, at wala silang karapatang mabuhay. Hindi na natin nakita sa bawat taong pinapatay ang mukha ni Kristo? Ang Espiritu ng Diyos na nananahan sa puso ng bawat tao. Oo, nagkasala sila sa batas at sa kapwa. Pero katulad natin, na nadadapa at nagkakasala, marapat din silang bigyan ng pagkakataong magbago at mapanumbalik ang nasirang buhay. Paano pa ito mangyayari, kung pinatay na sila? Nakakalungkot isipin na sa panahon natin ngayon, maraming tao ang walang malinaw na paninindigan tungkol sa usaping ito. Madaling mapadala sa mga sabi-sabi, kayang ipagbili ang prinsipyo, lalo’t higit talikdan ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Kaya nga pinapaalalahanan tayo ng Ebanghelyo na hindi natin maaaring pagsabayin ang pamamuhay nang naaayon sa Diyos at sa diyablo. Hindi natin maaaring sabihing Kristiyano tayo kung sumasang-ayon sa kalakaran ng pagpatay at hindi marunong magpatawad. Hindi natin maaaring sabihin Kristiyano tayo kung hiwalay ang ating pananampalataya sa ating ginagawa. Ibigay kay Ceasar ang para kay Ceasar, at sa Diyos ang para sa Diyos. Ito ang hamon sa atin ng Panginoon ngayon. Panginoon, tulungan Mo po akong makapamuhay nang naaayon sa inyong banal na kalooban. Mapanindigan ko nawa ang aking pananampalataya laban sa mga puwersang gustong sumira nito. Amen.