Daughters of Saint Paul

Hunyo 19, 2017 LUNES Ika 11 Linggo ng Taon / San Romualdo, abad

 

2 Cor 6:1-10 – Slm 98 – Mt 5:38-42

Mt 5:38-42

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad:  “Narinig na ninyo na sinabi:  'Mata sa mata at ngipin sa ngipin.'  Ngunit sinasabi ko sa inyo: Huwag ninyong labanan ng masama ang masama. Kung sampalin ka sa kanang pisngi, ibaling ang mukha at iharap ang kabilang pisngi. Kung may magdemanda sa iyo para kunin ang iyong sando, ibigay mo pati ang iyong kamiseta. Kung may pumilit sa iyong sumama sa kanya nang isang kilometro, dalawang kilometro ang lakarin mong kasama niya. Bigyan ang nanghihingi at huwag talikuran ang may hinihiram sa iyo.”

PAGNINILAY

Sa kalakaran ng mundo ngayon na mata sa mata at ngipin sa ngipin ang umiiral na sistema, tila mahirap isabuhay ang panawagan ng Ebanghelyong ating narinig.  Pero hindi ito imposible! kung sisikapin nating sundin sa tulong ng Panginoon.   Kung lagi tayong mahinahon sa pakikitungo sa mga taong humahamon at umuubos ng ating pasensya – walang gulong magaganap, walang samaan ng loob at higit sa lahat nakatutugon tayo sa hamon na mahalin ang ating kaaway.  Huwag nating ilalagay sa ating kamay ang paghihiganti sa mga taong gumawa sa atin ng masama.  Dahil ang Diyos lamang ang may karapatang humusga at magparusa sa mga gawaing masama.  Sa mga pagkakataon na init ng ulo ang pinapairal ng marami; na sa maliliit na bagay lang nauuwi sa mainitang pagtatalo, pagbibitiw ng masasakit na salita, at minsan, sa patayan pa – mahalagang pakinggan ang sinasabi sa atin ng Panginoon ngayon.  “Huwag n’yong labanan ng masama ang masama.”  Ilan bang patayan ang naganap dahil lang sa pakikipag-gitgitan sa traffic o di kaya sa pag-aagawan sa parking? Sa mainitang pakikipagtalo ng magkakontra partido? O magkakapatid na nag-aaway dahil sa mana? Ilan lamang ito sa mga kaganapang, galit at init ng ulo ang pinaiiral na nauuwi sa away.  Mga kapatid, kung matututo lamang tayong kontrolin ang sarili sa tuwing tayo’y nagagalit, maiiwasan nating makasakit ng damdamin ng ating kapwa.  Isang malaking tulong sa akin kapag nasa ganito akong sitwasyon ang umalis muna para makapag-isa, makapag-isip at makapagdasal.  Dinadala ko sa panalangin ang galit sa aking puso at nananatili ako sa harapan ng Panginoon, hanggang sa maramdaman kong humupa na ang aking galit. At kapag mapayapa na ang pakiramdam ko, saka ko lalapitan ang taong nakagalit ko para maghingi ng “sorry” at ipaliwanag sa mahinahong paraan bakit ako nagalit.  Tunay ngang ang Panginoon lamang ang makakatulong sa atin para maisabuhay ang hamon ng Ebanghelyo ngayon.