Ebanghelyo: Lucas 11:5-13
Sinabi ni Hesus sa Kanyang mga alagad: “Ipalagay nating may kaibigan ang isa sa inyo at pinuntahan mo siya sa hatinggabi at sinabi: ‘Kaibigan, pahiram nga ng tatlong pirasong tinapay dahil kararating lang mula sa biyahe ng isa kong kaibigan at wala akong maihain sa kanya.’ At sasagutin ka siguro na nasa loob: ‘Huwag mo na akong gambalain. Nakatrangka na ang pinto at nakahiga na kami ng mga bata; hindi na ako maaaring tumayo para bigyan ka.’ Sinasabi ko sa inyo, kung hindi man siya bumangon para magbigay dahil sa pakikipagkaibigan, babangon pa rin siya at ibibigay sa iyo ang lahat mong kailangan dahil sa pagpupumilit sa kanya. Kaya sinasabi ko sa inyo: humingi at kayo’y bibigyan, maghanap at matatagpuan ninyo, kumatok at bubuksan ang pinto para sa inyo. Talaga ngang tumatanggap ang humihingi, nakakatagpo and naghahanap at pinagbubuksan ang kumakatok. Sino sa inyo ang amang magbibigay ng ahas sa kanyang anak kung isda at hindi ahas ang hinihingi nito? Sino ang magbibigay ng alakdan kung itlog ang hinihingi? Kaya kung kayo mang masasama’y marunong magbigay ng mabuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang Ama mula sa Langit? Tiyak na ibibigay niya ang banal na Espiritu sa mga hihingi sa kanya.”
Pagninilay:
Tinitiyak ni Hesus na kung hihingi tayo sa Ama ng ating kailangan sa buhay, bibigyan Niya tayo. Kasi mabuti Siyang ama at wala siyang ibang hinahangad kundi ang kabutihan ng kanyang mga anak. Kung tatawag tayo, sasagot Siya. Kung kakatok tayo, bubuksan Niya ang pinto. At kung hinahanap natin Siya, magpapakita Siya.
Sa ating personal na karanasan at sa nakikita natin sa iba, nagkakatotoo ba ito? Siguradong, yes and no, hindi ho ba? Minsan, yes kaagad. Nasa puso mo pa lang ang iyong minimithi, hindi mo pa nga nabibigkas, nandyan na sa harap mo. O maari ring nasa harap mo na, pero hindi mo pa nauunawaan na iyon na pala ang grasyang hinihingi mo. Sa kabilang dako, nangyayari rin na may hinihingi ka sa loob ng matagal ng panahon, pero walang sagot ang Ama. Pagod ka na sa kakakatok, ngunit parang nakakandado ang pinto. Bakit kaya?
Mabuting usisain kung ano ang iyong hinihingi. Para ba ito sa kabutihan? Sa kabanalan? Alam ng Diyos kung ano ang tunay na makabubuti sa atin. Maaaring ang inaakala nating magpapaligaya sa atin ay magbubulid sa atin sa kasalanan, katulad ng easy money, o kapangyarihang galing sa corruption. Samantalang ang paghihirap o sakripisyong tinatanggap ay magdadala sa kabanalan. Limited ang ating pananaw. Alam ng Diyos ang ating past, present and future. Ibibigay Niya ang mabuti sa atin, ang grasya, ang Espiritu Santo. Huwag tayong manghinawang humingi. Ibibigay ng Diyos ang ating kailangan. Sa kanyang pamamaraan. Sa takdang panahon. Manampalataya tayo. Manalig.
Manalangin tayo: Amang mapagmahal. Salamat sa grasyang inilalaan Mo sa amin. Na darating, in Your time. Amen.
– Sr. Vangie Canag, fsp | Daughters of St. Paul