Daughters of Saint Paul

Hulyo 22, 2017 SABADO sa Ika-15 Linggo ng Taon / Santa Maria Magdalena

 

Awit 3:1-4b (o 2 Cor 5:14-17) – Slm 63 – Jn 20:1-2, 11-18

Jn 20:1-2, 11-18

Sa unang araw ng sanlinggo, maagang nagpunta sa libingan si Maria Magdalena, habang madilim pa. Nang makita niyang tinanggal ang bato mula sa libingan, patakbong pumunta si Maria Magdalena kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus. Sinabi niya sa kanila:  “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.”

            Nanatili sa labas ng libingan si Maria na tumatangis. Habang tumatangis siya, yumukod siyang nakatanaw sa libingan. At may nakita siyang dalawang anghel na nakaputi na nakaupo, nasa may ulunan ang isa at ang ikalawa nama’y nasa may paanan ng kinalagakan ng bangkay ni Jesus.             Sinabi sa kanya ng mga iyon:  “Ale, bakit ka tumatangis?”  Sinabi niya sa kanila:  “May kumuha sa panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya inilagak.”  Pagkasabi niya ng mga ito, tumalikod siya at nakita niya si Jesus na nakatayo. Ngunit hindi niya nakilalang si Jesus iyon.

            Sinabi sa kanya ni Jesus:  “Ale, bakit ka tumatangis? Sinong hinahanap mo?”  Sa pag-aakala niyang iyon ang hardinero, sinabi niya sa kanya:  “Ginoo, kung kayo ang nagdala sa kanya, sabihin n’yo sa akin kung saan n’yo siya inilagay, at kukunin ko siya.”

            Sinabi sa kanya ni Jesus, “Maria!” Pagkaharap niya ay winika niya sa kanya sa Aramaiko: “Rabbouni” (na ang ibig sabihin ay Guro). Sinabi sa kanya ni Jesus:  “Huwag mo akong pigilin sapagkat hindi pa ako nakaaakyat sa aking Ama. Puntahan mo ang mga kapatid ko at sabihin sa kanila:  ‘Paakyat ako sa Ama ko at Ama n’yo, sa Diyos ko at Diyos n’yo.’ ”  

            Pumunta si Maria Magdalena, na nagbalita sa mga alagad:  “Nakita ko ang Panginoon. At ito ang sinabi niya sa akin.”

PAGNINILAY

Sa pagbasang ating narinig, kapansin-pansin na hindi naging madali kay Maria Magdalena na maniwala sa Muling Pagkabuhay.  Dahil sa pagbabagong-anyo ni Jesus napagkamalan pa nga siyang isang hardinero.  Nang tawagin ni Jesus ang kanyang pangalan, saka lamang niya ito nakilala, at siya’y naniwala. Personal na pananampalataya ang ipinagkaloob ng Panginoon sa kanya nang tawagin ang kanyang pangalan.  Mga kapatid, katulad ni Maria Magdalena, tinatawag rin tayo ng Panginoong magpatotoo sa Muling Pagkabuhay.  Pinagkalooban niya rin tayo ng pananampalataya na kinakailangan pang palaguin at palalimin.  Ano ang tugon mo sa panawagang ito saiyo ng Panginoon?  Panginoon, sa tulong ng Iyong biyaya marapatin Mo pong makapagpatotoo ako Sa’yong Muling Pagkabuhay.  Puspusin Mo po ako ng Iyong Banal na Espiritu nang maisabuhay ko ang aral ng Ebanghelyo.  Amen.