Daughters of Saint Paul

Hulyo 26, 2017 MIYERKULES sa Ika-16 na Linggo ng Taon / San Juaquin at Santa Ana, mga magulang ni Maria

 

Sir 44:1, 10-15 – Slm 132 – Mt 13:16-17

Mt 13:16-17

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: "Mapapalad ang inyong mga mata na nakakakita at ang inyong mga tainga na nakakarinig.

Sinasabi ko nga sa inyo na maraming propeta at mabubuting tao ang may gustong makita ang nakikita ninyo ngayon pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig."

PAGNINILAY

Narinig nating sinabi ng Panginoon sa Ebanghelyo “Ngunit mapalad ang inyong mga mata na nakakakita at ang inyong mga tainga na nakakarinig.”  Ang konteksto ng mga salitang ito, ang tanong kung bakit nagsasalita si Jesus sa pamamagitan ng talinhaga.  Marami ang tumitingin pero hindi naman makakita.  Marami ang nakikinig, pero hindi naman nakakaunawa.  Pero, mapapalad ang mga alagad.  Dahil nauunawaan nila na si Jesus ang pinakahihintay na Mesiyas.  Siya ang magpapahayag ng Paghahari ng Diyos.   Sadyang mapalad ang mga alagad, pero sinabi rin ni Jesus, “Mapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita.”  Hindi natin nasaksihan ang mga himala ni Jesus, hindi natin narinig ang Kanyang mga talinhaga, pero nanalig tayo sa pagpapahayag ng mga apostol at ng mga alagad.  Patuloy pa ring nangyayari ang ganitong pagpapanibago sa mga tagasunod ni Jesus.  Mga kapatid, sa ating pang-araw-araw na buhay, nakikita ba natin ang mahiwagang pagkilos ng Panginoong Jesus?  Sa loob ng ating tahanan, lalo na sa samahan ng ating pamilya – ang pagmamahalan, pagbibigayan at pagpapatawaran tanda ng buhay na presensya ng Panginoon.  Sa ating pinagtatrabahuhan at komunidad – ang ating pagmamalasakit, pagtulong sa nangangailangan at paglilingkod ng tapat, tanda rin ng pananatili ng Panginoon.  Ang biyayang magising muli para harapin ang panibagong araw, ang sikat ng bagong umaga, ang hangin, tubig, at pagkain sa ating hapag – lahat ito biyaya na nagmumula sa Panginoon.  Maging ang ating pagkakasakit o mga problemang nararanasan – may mensaheng nais ipahawatig ang Panginoon – na hindi natin hawak ang ating buhay, na Siya pa rin ang may ganap na kontrol sa lahat ng pangyayari sa ating buhay, kaya dapat tayong  manalig sa Kanya.  Mapapalad tayo kung nakikita natin ang mahiwagang pagkilos ng Panginoon sa lahat ng mabubuti at tila di kanais-nais na pangyayari na ating nararanasan.  Ang problema sa atin, minsan sa sobra nating pag-kaabala sa maraming bagay, nagiging makitid ang ating paningin at di rin natin naririnig ang tinig ng Panginoon na nangungusap sa ating puso.  Kaya hilingin natin ang tulong-panalangin nina San Joaquin at Santa Ana na lumago tayo sa ating buhay-panalangin at pananampalataya.