Daughters of Saint Paul

Hulyo 28, 2017 BIYERNES sa Ika-16 na Linggo ng Taon / San Nazario at San Celso

 

Ex 20:1-17 – Slm 19 – Mt 13:18-23

Mt 13:18-23

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Makinig kayo ngayon sa talinhaga ng maghahasik.

Pag may nakakarinig sa salita ng Kaharian ngunit hindi naman niya inuunawa, dumarating ang Masama at inaagaw ang nahasik sa kanyang puso. Ito ang butong nahulog sa tabi ng daan.

Ang buto namang nahulog sa batuhan ay para sa taong nakarinig sa salita at kaagad itong tinanggap nang buong kasiyahan. Ngunit hindi ito nag-ugat sa kanyang kalooban at panandalian lamang. Kapag nagkaroon ng pagsubok at pag-uusig dahil sa salita, agad-agad siyang natitisod.

Ang butong nahulog sa mga tinikan ang nakarinig sa salita ngunit sinikil ito ng mga makamundong kabalisahan at ng pandaraya ng kayamanan, at hindi nakapagbunga ang salita.

Ang buto namang nahasik sa matatabang lupa ang nakakarinig sa salita at umuunawa rito; nagbubunga siya at nagbibigay ng sandaan, animnapu o tatlumpu.”

PAGNINILAY

Narinig natin sa Ebanghelyo ang paliwanag ng Panginoon tungkol sa talinhaga ng maghahasik.  Ang Panginoon mismo ang maghahasik.  Kumakatawan naman ang lupa sa iba’t ibang reaksyong tinanggap ng Panginoon mula sa mga taong nakarinig ng kanyang salita. Lahat sila nakarinig sa Kanyang sinabi, pero hindi lahat tumanggap nito nang bukal sa kalooban.  Ang iba’y katulad sa matigas na lupa sa tabi ng daan o katulad ng mabatong lupa na hindi tumanggap sa salita.  Ang iba nama’y may pusong puno ng tinikan at dawagan.  Sila ang mga taong masyadong nakakapit sa mga makamundong pinahahalagahan at kasiyahan ng laman kung kaya’t sinasakal nito ang Salita ng Diyos bago pa man ito makapamunga sa kanilang buhay.  Sa kahuli-hulihan, may mga pusong bukas, malinis at walang damo.  Tumutukoy ito sa mabuting lupa kung saan ang salita nakapag-uugat ng malalim at nakapamumunga.  At ang bunga nito’y, ang buhay mismo ng Panginoong Jesus.  Tanging ang matabang lupa nang mga bukas ang puso ang makapamumunga sa salita.  Mga kapatid, araw-araw tayong nakakapakinig ng Salita ng Diyos sa pamamagitan ng programang ito; sa ating pagsisimba, at sa personal nating pagbabasa ng Biblia.  Paano ba natin tinatanggap ang Salita ng Diyos?  Anong klaseng puso ang napaghasikan nito?  Naglalaan ba tayo ng panahong alagaan at payabungin ang Salita ng Diyos sa ating puso upang ito’y magbunga?  Isa itong desisyon na dapat nating panindigan.  Hindi sapat ang pakikinig at pagbabasa ng Salita ng Diyos!  Dapat itong magbunga sa ating buhay pananampalataya at pakikipagkapwa tao. Ang malinaw na tanda na tunay na nagbubunga ang Salita ng Diyos sa ating puso – kapag nagiging mas mabuting tao at Kristiyano tayo – may pusong maawain, matulungin at puno ng pagmamahal, katulad ng Panginoong Jesu-Kristo.  Panginoon, kasihan Mo po ako ng Iyong Banal na Espiritu nang magbunga ang Salitang patuloy Mong itinatanim sa aking puso.  Amen.