Daughters of Saint Paul

Hulyo 30, 2017 LINGGO Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon

 

1 H 3:5, 7-12 – Ps 119 – Rom 8:28-30 – Mt 13: 44-46

Mt 13: 44-46

Sinabi ni Jesus sa mga tao:  “Naihahambing ang Kaharian ng Langit sa kayamanang nakatago sa isang bukid. Kung may makakita nito, ibabaon niya ito uli; at dahil sa kanyang kaligayahan, ipinagbibili niya ang lahat niyang ari-arian, at binibili niya ang bukid.

            “Naihahambing din naman ang Kaharian ng Langit sa isang negosyanteng naghahanap ng magagandang perlas. Pagkakita niya ng isang perlas na napakalaki ang halaga, umalis siya at ipinagbili ang lahat niyang ari-arian at binili ang perlas.”

PAGNINILAY

Ang Kaharian ng Langit, higit na mahalaga sa anumang bagay sa buhay na ito.  Kaya naman sinumang makatagpo nito at makita ang tunay na halaga nito, malugod na iiwan ang lahat para sa kapakanan ng kaharian.  Ang taong nakakita sa nakabaong kayamanan, at ang negosyanteng nakakita ng napakahalagang perlas, hindi nag-aksaya ng oras.  Ginawa agad nila ang dapat gawin – ipagbili ang lahat ng kanilang ari-arian kung kinakailangan – upang samantalahin ang pagkakataon. Ganito rin ang gagawin ng sinumang makatagpo sa Kaharian ng Langit.  Hindi niya palalampasin ang pagkakataon at madali niyang gagawin ang lahat upang mapasakanya ang biyayang iyon.  Mga kapatid, nasa katauhan mismo ni Jesus ang kaharian.  Ang pagkakatagpo kay Jesus, higit pa sa pagkakatagpo sa pinakamahalagang kayamanan o pinakamamahaling perlas.  Kinakailangang talikuran at kalimutan ng sinumang makatagpo kay Jesus ang lahat ng bagay na dating pinahahalagahan at maging tagasunod agad ni Jesus.  Sa buhay mo ngayon kapatid, ano ba ang mga bagay na iyong pinahahalagahan?  Ano ang mas pinag-uukulan mo ng maraming panahon?  Pamilya ba, trabaho, negosyo, kalusugan, kaibigan, bisyo?  Kasama ba ang Panginoong Jesus sa listahan ng iyong mga pinahahalagahan sa buhay?  Kapatid, sana manguna ang Panginoon sa listahan ng iyong pinahahalagahan – dahil Siya ang magbibigay ng kabuluhan sa iyong buhay, at ang tunay na makapagbibigay ng kaligayahang di-mapapantayan. Ang kaligayang tinatamasa natin dito sa mundo, lahat panandalian at lumilipas lamang; samantalang ang kaligayang matatamo natin sa piling ng Panginoong Jesus, pangmatagalan at dala-dala natin hanggang sa buhay na walang hanggan.   Panginoon, itulot Mo pong matagpuan ko Kayo – ang tunay na kayamanang hindi kumukupas hanggang wakas.  Amen.