Col. 3:1-11 Slm 145:2-3.10-11.12-13ab Lk 6:20-26
Lk 6:20-26
Tumingala si Jesus sa kanyang mga alagad at sinabi:
“Mapapalad kayong mga dukha sapagkat sa inyo ang Kaharian ng Diyos.”
“Mapapalad kayong mga nagugutom ngayon, sapagkat bubusugin kayo. “
“Mapapalad kayong mga umiiyak ngayon, sapagkat tatawa kayo. “Mapapalad kayo kapag kinapopootan kayo ng mga tao at itinatakwil at iniinsulto, at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at lubos na magalak sa araw na iyon sapagkat malaki ang inyong gantimpalang nasa Diyos; gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa Mga Propeta.
“Ngunit sawimpalad kayong mayayaman sapagkat tinatamasa na ninyo ang inyong ginhawa!”
“Sawimpalad kayong mga busog ngayon, sapagkat magugutom kayo!”
“Sawimpalad kayong humahalakhak ngayon sapagkat magluluksa kayo’t iiyak!”
“Sawimapad kayo kapag pinag-uusapan kayo nang mabuti ng lahat ng tao ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.”
PAGNINILAY
Sa pananaw ng mundo ngayon, mapapalad ang taong mayayaman, sikat, may magagandang bahay at sasakyan, may mamahaling damit, alahas, masasarap na pagkain at maraming pera. Mapalad din ang mga taong nanalo sa lotto, sweepstakes, jueteng o iba pang uri ng sugal. Marahil marami sa atin ang naghahangad na makamit ang materyal na yaman na ito. Pero dapat natin itanong: Tunay nga kaya silang mapalad? Nasa materyal na yaman nga ba ang tunay na nakakapagpaligaya sa tao? Sa aking palagay, hindi. Ilang mayayamang tao na ba ang nabalitaan nating nagpatiwakal, nagumon sa drugs, nagkaloko-loko ang buhay dahil sa paghahanap ng tunay na kasiyahan? Ilang mayayamang pamilya ang nawasak dahil sa pagkakanya-kanya, at kapabayaan ng bawat miyembro nito na abala sa kani-kanilang gimik at bisyo. Mga kapatid, pinapaalalahan tayo ng ebanghelyo ngayon, na tanging ang Panginoon lamang at ang ating magandang pakikipag-ugnayan sa kapwa, ang makapagbibigay sa’tin ng tunay na kaligayahan. Tunay tayong mapalad kung nakaugnay tayo sa Kanya at isinasabuhay natin ang Kanyang mga turo. Dahil kapag maganda ang relasyon natin sa Diyos at sa’ting kapwa, mapayapa tayong mamumuhay. May katiwasayan ang ating puso’t isip, mahirap man tayo o mayaman; dahil ang Panginoon ang ating siguridad at kinakapitan. Panginoon, matanto ko nawa na wala sa materyal na yaman ang tunay na kaligayahan kundi nasa pamumuhay nang naaayon sa Iyong kalooban. Lagi ko nawang sikaping isabuhay ang Iyong turo sa tulong na rin ng Iyong Espiritu. Amen.