Mt 21:28-32
Sinabi ni Jesus sa mga Punong-pari, mga guro ng Batas at mga Matatanda ng mga Judio: “Ano sa palagay n’yo? May dalawang anak ang isang tao. Lumapit siya sa isa sa at sinabi: ‘Anak, pumunta ka ngayon at magtrabaho sa aking ubasan.’ Sumagot ang anak: ‘Ayoko.’ Ngunit pagkatapos ay nagbagong-isip siya at pumunta. Pinuntahan din ng ama ang pangalawang anak at gayundin ang sinabi. Sumagot naman ang anak: ‘Opo.’ Pero hindi siya pumunta.”
At tinanong sila ni Jesus: “Sino sa dalawang anak ang tumupad sa gusto ng ama?” Sumagot sila: “Ang una.” At sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: mas nauuna sa inyo patungo sa Kaharian ng Langit ang mga publikano at mga babaeng bayaran. Dumating nga si Juan para ipakita sa inyo ang daan ng kabutihan pera hindi kayo naniwala sa kanya, samantalang naniwala naman ang mga publikano at mga babaeng bayaran. Nakita n’yo ito at hindi kayo nagsisi o naniwala sa kanya.”
PAGNINILAY
Ang pagninilay sa Ebanghelyo ngayon, ibinahagi ng aming madre na si Sr. Rose Agtarap. Narinig natin ang talinhaga ng dalawang magkapatid at ang pagpapaliwanag ni Jesus. Hindi gaanong mahalaga kung ano ang sinasabi mo. Ang tanong ni Jesus sa mga namumuno sa mga Hudyo: “Sino sa dalawang anak ang tumupad sa gusto ng Ama?” Paano nga ba gagawin ang kalooban ng Ama? Paano natin malalaman ito? Makakaya ba nating isabuhay ang pagtalima sa kagustuhan niya? Sa puso natin, alam natin kung ano ang kalooban ng Ama. Naririnig natin ang Salita niya hindi lamang sa Biblia kundi sa turo ng ating mga magulang, ng mga taong paham at pati na sa kaibuturan ng ating mga puso. Nagsasalita siya sa ating konsiyensiya. Napakahalaga na makinig tayo sa boses niya. At kung nahihirapan tayo, sundin natin ang halimbawa ni Kristo. Ipinakita niya na hindi madali ang pagtalima, ang pagsunod, paggalang at pagbibigay ng pitagan sa kalooban ng Ama. Magagawa lang natin ito kung tayo’y magpapakumbaba tulad niya. Ang pagtalima sa Ama hanggang sa kamatayan. Hingin nating ang biyaya ng kababaang-loob upang makita natin ang ating pagkakamali at makapagbalik-loob sa Ama, at sundin ang kalooban niya. Amen.
