LUCAS 14:15-24
Sinabi kay Jesus ng isa sa mga inanyayahan: “Mapalad ang mga makakasalo sa bangkete ng Kaharian ng Diyos!” Sumagot si Jesus: “May isang taong naghanda ng isang malaking bangkete at marami siyang kinumbida. Sa oras ng handaan, pinapunta niya ang kanyang katulong para sabihin sa mga imbitado: ‘Tayo na’t handa na ang lahat. Ngunit parang sabay-sabay namang nagdahilan ang lahat. Sinabi ng una. ‘Bumili ako ng bukid at kailangan kong pumunta para tingnan iyon. Pasensya ka na.’ Sinabi naman ng isa. ‘Bumili ako ng limang pares na bakang pang-araro at pasusubukan ko ang mga ito. Pasensya ka na.’ Sinabi ng isa pa: ‘Bagong kasal ako kaya hindi ako makakapunta.’ Pagbalik ng katulong, ibinalita niya ang lahat ng ito sa kanyang panginoon. Galit na galit ang maysambahayanan at sinabi sa kanyang katulong: ‘Pumunta ka agad sa mga liwasan at mga lansangan ng lunsod at papasukin mo rito ang mga dukha, mga balewala, mga bulag at mga pilay.’ At pagkatapos ay sinabi ng katulong: ‘Nagawa na ang ipinag-utos mo at may lugar pa rin.’ Sumagot sa kanya ang panginoon: ‘Lumabas ka sa mga daan at mga bakuran at pilitin mong pumasok ang mga tao para mapuno ang bahay ko.’ Sapagkat sinasabi ko sa inyo: walang sinuman sa mga ginoong iyon na kinumbida ko ang makakatikim ng aking handa.’”
PAGNINILAY:
Narinig natin sa ebanghelyo ang talinhaga na naglalarawan ng Kaharian ng Diyos sa isang bangkete. Sa simula’y lahat ng tao inimbitahan. Pero nang tumanggi sila sa iba’t ibang kadahilanan, ipinaabot ang imbitasyon sa iba pang tao. Natapos ang Ebanghelyo sa nakababahalang paghihiwalay ng mga taong tumugon sa paanyaya at mga taong tumanggi. Alin ba tayo dito? Ang mga kadahilanang binigay ng mga taong inanyayahan sa talinhaga, sumasagisag sa mga bagay na nagiging hadlang para makasalo tayo sa Bangkete. Ang labis ba nating pagpapahalaga sa materyal na bagay, trabaho, ang ating mga relasyon sa tao nang mas higit pa sa Diyos? Mga kapatid, ngayong buwan ng Nobyembre, napakagandang pagtuunang pansin kung ano ang mangyayari sa kaluluwa natin pagkatapos ng buhay natin sa mundo. Mapapabilang kaya tayo sa mga taong makakapunta sa Langit? Ang araw-araw nating pagtugon ngayon sa paanyaya ng Panginoon na magmahal at magpakabanal, ang araw-araw nating pagsusumikap na piliin kung ano tama at kalugod-lugod sa Diyos – ang magpapagindapat sa ating makasalo sa bangkete ng Panginoon sa kabilang buhay. Panginoon, marapatin Mo pong makasalo ako sa bangkete ng Iyong Kaharian. Amen.