LUCAS 17:7-10
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ipagpalagay nang may katulong na nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa ang isa sa inyo. Anong sasabihin niya rito sa pagbalik nito galing sa bukid? Sasabihin kaya niya: “Halika na’t dumulog sa hapag’? Sa halip ay sasabihin niya: “Ihanda mo ang aking pagkain; magbihis ka’t pagsilbihan ako habang kumakain ako’t umiinom, at saka ka na kumain at uminom.’ Dapat kaya kayong tumanaw ng utang-na-loob sa utusang iyon dahil ginawa nito ang iniutos? Gayundin naman sa inyo. Pagkagawa n’yo sa lahat ng iniutos sa inyo, sabihin n’yo: ‘Mga karaniwang utusan kami; ginawa lang namin ang dapat naming gawin.’”
PAGNINILAY:
Sa Ebanghelyong ating narinig, hindi kinukunsinti ni Jesus ang hindi maka-“Kristiyanong” pagtrato ng amo sa kanyang katulong. Nais lamang Niyang ilarawan ang buhay noong panahong iyon. Noong panahon kasi ni Jesus, halos walang kaibahan ang hayop sa katulong. Kahit matapos ng katulong ang lahat ng kanyang trabaho, walang bayad o pabuyang natatanggap ito mula sa kanyang amo. Hindi rin siya maaaring sumabay sa pagkain ng amo. At bago pa siya makakain at makapagpahinga, kailangan muna niyang tapusin ang lahat ng kanyang gawain. Hindi rin ibig sabihin ni Jesus na hindi ginagantimpalaan ng Diyos ang tapat sa Kanya. Makikita natin sa talinhaga ng handa at tapat na lingkod, na pinagpala sila ng Diyos. Mga kapatid, tinutuligsa ni Jesus sa ebanghelyo ang paniniwalang sapat na ang paggawa ng kabutihan at pagsunod sa Batas upang magkaroon ng utang na loob ang Diyos at gantimpalaan ang tao. Anuman ang mabubuting nagawa na natin sa ngalan ng paglilingkod sa Diyos at sa kapwa, hindi maaaring magkaroon ng utang ang Diyos sa atin. Dahil ang totoo, nakagagawa tayo ng mabuti sa kapwa dahil pa rin sa tulong at awa ng Diyos. Ang tinamo nating kaligtasan, kaloob, at hindi kabayaran ng Diyos para sa mga taong sumusunod sa Batas at gumagawa ng kabutihan. Pinagpapala ng Diyos ang mga tapat sa Kanya, hindi dahil sa utang na loob ito ng Diyos sa kanila, kundi dahil sa pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos. Kaya hindi dapat ipagmalaki ng isang Kristiyano ang Kanyang mga nagawang kabutihan. Dahil ang tunay na Kristiyano, gumagawa ng kabutihan hindi para makilala o para may maipagmalaki. Gumagawa siya ng kabutihan dahil tumutugon lamang siya sa pag-ibig ng Diyos. Huwag nating hintaying magpasalamat ang Diyos sa atin dahil tayo’y “karaniwang utusan” lamang. Panginoon, lagi ko nawang pakaisipin na kung nakagagawa man ako ng mabuti, ito’y dahil Sa’yong kapangyarihan at biyaya. Amen.