LUCAS 19:11-28
Malapit na si Jesus sa Jerusalem at akala ng mga taong kasama niya'y agad na ipakikita ang Kaharian ng Diyos. Kaya sa kanilang pakikinig ay isa pang talinhaga ang inilahad ni Jesus sa kanila. Sinabi niya: “May isang maharlikang tao na pumunta sa malayong lupain para mahirang na hari at saka siya babalik. Tinawag niya ang sampu niyang katulong at binigyan sila tig-iisang baryang ginto at sinabi sa kanila: 'Ipagnegosyo n'yo ito hanggang sa aking pagbalik. Namumuhi sa kanya ang kanyang mga kababayan kaya nagsugo sila ng ilang kinatawan para sabihin: 'Ayaw naming maghari sa amin ang taong ito.' Gayon pa ma'y bumalik siya pagkahirang bilang hari. Ipinatawag niya ang mga katulong na binigyan niya ng baryang ginto para malaman kung magkano ang tinubo ng bawat isa. Humarap ang unat at sinabi: 'Panginooon, tumubo ng sampu pa ang barya mong ginto.’ “Sumagot siya: 'Magaling, mabuting utusan; dahil naging matapat Ka sa maliit na bagay, mapamamahala kita sa sampung lunsod.' Dumating ang ika-lawa at sinabi: 'Panginoon, tumubo ng lima pa ang iyong baryang ginto.' Sinabi nito sa kanya: 'Mamamahala ka sa limang lunsod.’ Dumating ang isa pa at sinabi: 'Panginoon, narito ang iyong baryang ginto. Binalot ko ito sa isang panyong at itinago. Natatakot ako sa iyo dahil mapaghanap kang tao, kinukuha mo ang hini mo idineposito at inaani ang hinidi mo inihasik.' “Sinabi sa kanya ng panginoon: 'Masamang utusan, sa sarili mong mga salita kita hahatulan. Alam mo palang mapaghanap ako, na kinukuha ko ang hindi ko idineposito at inaani ang hindi ko inihasik, bakit hindi mo idineposito sa bangko ang aking baryang ginto? At makukubrako sana iyon pati na ang interes pagbabalik ko.' at sinabi niya sa mga naroon: 'Kunin sa kanya ang baryang ginto at ibigay sa may sampu.' Sumagot sila: 'E, Panginoon, may sampung baryang ginto na siya.' Sinasabi ko sa inyo: bibigyan ang meron pero aalisan ang wala, kahit na ang meron siya ay kukunin sa kanya. Ngunit dahin n'yo rito ang aking mga kaaway na ayaw akong maghari sa kanila at patayin sa harap ko.'” Pagkasabi nito, umuna si Jesus sa kanila pa-Jerusalem.
PAGNINILAY:
Ang mga biyayang binigay ng Diyos, hindi lamang para sa ating pansariling pangangailangan. Sa halip dapat din natin itong ibahagi sa kapwa, lalo na sa higit na nangangailangan. Kaya nga, marapat lamang na ito’y ating alagaan at linangin nang maging kapaki-pakinabang sa nakararami. Kapag hinahayaan nating nakatiwangwang ang likas na yamang kaloob ng Diyos, mawawalan ito ng silbi. Kapag inabuso naman natin ang paggamit nito, katulad ng illegal logging, mining at dynamite fishing, para sa pansariling pagpapayaman – hindi lang natin sinisira ang mga kaloob ng Diyos; nagiging dahilan din tayo upang mapahamak ang ating kapwa. Mga kapatid, pinapaalalahanan tayo ng ebanghelyo na maging responsableng tagapangasiwa ng lahat ng biyayang ipinagkaloob Niya sa’tin. Dahil sa katapusan ng ating buhay, susulitin tayo ng Diyos kung paano natin ginamit ang mga biyayang pinahiram Niya sa atin. Panginoon, marapatin Mo pong mapangasiwaan ko nang naaayon Sa’yong kalooban ang lahat ng biyayang pinahiram mo lamang sa akin. Amen.