LUCAS 21:5-11
May ilang nag-uusap tungkol sa Templo, at sinabi nila na may magagandang bato ito at mamahaling palamuti. Sinabi naman ni Jesus: “Darating ang mga araw na walang matitirang magkapatong na bato sa lahat ng inyong nakikita; iguguho ang lahat.” Nagtanong sila sa kanya: “Guro, kailan ito mangyayari at ano ang tanda na sumapit na ito?” Sumagot si Jesus: “Mag-ingat kayo at baka kayo madaya. Maraming aangkin sa aking pangalan sa pagsasabing ‘Ako ang Mesiyas; ako siya,’ at ‘Palapit na ang panahon.’ Huwag kayong sumunod sa kanila. Sa pagkabalita n’yo sa digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong maligalig; mangyayari muna ito pero hindi pa ito ang wakas.” At sinabi niya sa kanila: “Magdidigmaan ang mga bayan at naglalaban-laban ang mga kaharian. Magkakaroon din ng malalakas na lindol sa maraming lugar, magkakaroon ng taggutom, magkaroon ng mga kakila-kilabot na bagay at ng malalaki ring kababalaghan sa Langit.”
PAGNINILAY:
“Mag-ingat kayo at baka kayo madaya.” Napapanahon ang panawagang ito ng Panginoon lalo na sa kalagayan ng mundo natin ngayon, maging sa ating bansa. Dahil na rin sa mga naglipanang trolls sa social media, lalo na sa facebook, na nagpapakalat ng mga fake news, totoong maraming tao ang nadadaya at nalilinlang. Kaya napakahalagang maging mapagbantay tayo at mapanuri sa mga balitang nasasagap natin. Huwag maniniwala kaagad! Huwag “like ng like at share ng share” ng mga posts! Usisain kung totoo at kapani-paniwala ang pinanggagalingan ng mga ito. At huwag ipapangalat kaagad ang anumang balitang nasagap natin, dahil kung hindi totoo ang balita at nai-share na natin ito, nagiging “bearer of fake news” din tayo. Mga kapanalig, magaling manlinlang ang demonyo! Kumikilos siya nang lihim sa puso’t isipan ng mga tao. Sa pag-brainwash sa maraming kristiyanong mananampalataya na tama ang pumatay, sa ngalan ng paglaban sa illegal na droga, alam kong tagumpay ito ng demonyo, dahil labag ito s autos ng Diyos na “Huwag papatay.” Sa mga pananaw at saloobin nating labag sa itinuturo ng Panginoong Jesukristo sa Ebanghelyo, alam kong gawain pa rin ito ng demonyo. At sa pagsasawalang-kibo ng marami sa atin sa gitna ng karahasan, sa pagtanim ng takot at kawalang pag-asa sa ating puso, at sa pagsang-ayon natin sa umiiral na sistema ng katiwalian at karahasan sa ating lipunan – batid kong gawain ng demonyo ang lahat ng ito. Totoong nahaharap tayo sa matinding laban sa kasalukuyan – ang matinding laban sa pagitan ng Diyos at diyablo, ng totoo at kasinungalingan, ng tama at mali. At para mapagtagumpayan natin ang labang ito, higit nating kinakailangan ang tulong ng Banal na Espiritu na paliwanagan ang ating puso’t isip, nang huwag tayong malinlang ng demonyo. Hilingin din natin ang tulong panalangin ng Mahal na Birheng Maria na iadya tayo sa lahat ng masama. Amen.