Daughters of Saint Paul

Nobyembre 29, 2017 Miyerkules sa Ika-34 na Linggo ng Taon / San Saturnino

LUCAS 21:12-19

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Bago sumapit ang lahat ng ito, dadakipin kayo at uusigin; ibibigay kayo sa mga sinagoga at dadalhin sa mga kulungan at ihaharap sa mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan. Sasapit ito sa inyo para makapagpatotoo kayo sa akin. Isaisip n’yo na huwag ikabalisa ang pagtatanggol sa inyong sarili dahil ako mismo ang magbibigay sa inyo ng mga salita at karununganng hindi matatagalan o masasagot ng lahat n’yong kaaway. Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan, at papatayin nila ang ilan sa inyo. At kamumuhian kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Ngunit hindi maaano isa mang buhok sa inyong ulo. Sa inyong pagpapakatatag, ang mga sarili n’yo mismo ang inyong makakamit.”

PAGNINILAY:

Sa Ebanghelyong ating narinig, sinabi ng Panginoong Jesus na maging matatag sa gitna ng mga pag-uusig at pagsalungat na ating mararanasan kapag nanindigan tayo sa kung ano ang tama, mabuti at kalugod-lugod sa Diyos.  Sa kalagayan ng bansa natin ngayon, na talamak ang pagpatay ng mga pinaghihinalaang sangkot sa droga, marami sa atin ang natatakot magsalita, natatakot manindigan at labanan ang di makatarungang pagpaslang na nagaganap sa ating lipunan.  Nagiging normal na balita na ang pagpatay.  Hindi na tayo natitinag o nababahala man lang, kung saan ba hahantong ang ganitong kalakaran.  Sa ating pananahimik, parang sumasang-ayon na tayo sa kalakaran ng pagpatay sa lipunan, huwag lang kamag-anak natin o mahal sa buhay ang tatamaan. Kaya naman nagmistulang killing fields na ang marami nating lansangan sa dami nang napapatay araw-araw. At ito na lang parati ang laman ng balita sa radio, TV, pahayagan at social media sa araw-araw na ginawa ng Diyos.  Mga kapanalig, masaya ba tayo sa ganitong kalakaran sa ating bansa sa ngayon?  At masaya kaya ang Diyos sa ating pananahimik sa gitna ng karahasan, sa ating karuwagang labanan ang sistema ng karahasan? Tunay na saludo ako at humahanga sa ilang mambabatas natin na patuloy na naninindigan sa buhay.  Ganun din sa mga Obispo, pari, mga taong Simbahan at layko na walang takot magsalita upang labanan ang nagaganap na patayan sa lipunan.  Oo, katakot-takot na pag-aalipusta, pagmumura, at paninira ang ating mararanasan lalo na mula sa mga trolls at die hard supporters ng kasalukuyang pamahalaan.  Pero sapat na ba ito para manahimik na lang tayo sa gitna ng karahasan at kasamaan sa lipunan? Narinig nga nating sinabi ni Jesus sa Ebanghelyo “Huwag nyong ikabalisa ang pagtatanggol sa inyong sarili, dahil ako mismo ang magbibigay sa inyo ng mga salita at karunungan hindi matatagalan o masasagot ng lahat nyong kaaway.” Panghawakan natin ang pangakong ito ng Panginoon mga kapanalig.