MARCOS 13:33-37
Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad: “Mag-ingat kayo at magpuyat hindi nga ninyo alam kung kailan ang oras. Ipagpalagay natin na nangingibangbayan ang isang tao. Iniiwan niya ang kanyang bahay at ipinagkakatiwala ang lahat sa kanyang mga utusan. May kanya-kaanya silang tungkulin at inutusan niyang magbantay ang bantay pinto. Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang oras ng pagdating ng may-ari, kung hapon o hatinggabi o madaling araw. At baka bigla siyang dumating, at madatnan kayong natutulog. Kaya sinasabi ko rin sa lahat ang sinasabi kong ito sa inyo: Magbantay.”
PAGNINILAY
Sa mga Ebanghelyong narinig natin sa linggong ito, kapansin-pansin na pabalik-balik ang mga babala na magbantay dahil hindi natin alam kung kailan ang oras. Isa itong nakakatakot na paala-ala sa tiyak na pagdating ng huling sandali. Nakakatakot nga ito kung sa pagdating nito, hindi tayo handa. Isa sa dalawang ito lang ang ating patutunguhan: si Kristo o ang kapahamakan, nasa atin ang pagpapasya. Mga kapanalig, ang tunay na hamon ng Adbiyento, ihanda ang ating sarili, katawan at kaluluwa para sa oras na iyon. Hayaan nating ang kapangyarihan at pananahan ng Diyos ang kumilos sa ating buhay. Kulang ang ating buhay kung wala ang Panginoon at wala tayong halaga kung hindi natin S’ya kasama. Ang Panginoon lamang ang makatutugon sa malalim na hinahangad ng ating puso at S’ya lamang makapagpupuno sa kapayapaan ng ating kalooban. Ipinadarama sa atin ng Adbiyento ang pangangailangang magbalik-loob sa Diyos at magmakaawa na tayo’y Kanyang iligtas. Ito ang panahon ng pagbabago, ng pagsisisi at paghingi ng awa at patawad sa ating mga nagawang kasalanan. Maniwala tayo na pinahahalagahan ng Panginoon ang ating pagtugon sa kanyang pag-ibig. Purihin natin S’ya at pasalamatan sa kanyang kagandahang-loob at walang hanggang pagmamahal sa ating lahat. Manalangin tayo. Panginoon, marapatin Mo pong maihanda ko ang aking puso Sa’yong pagdating ngayong Pasko. Kasihan Mo po ako ng Iyong banal na Espiritu na basbasan at pangunahan ang aking mga gagawin na espiritwal na paghahanda. Amen.