Daughters of Saint Paul

Disyembre 8, 2017 Biyernes sa Unang Linggo ng Adbiyento / Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Birheng Maria

LUCAS 1:26-38

Sa ikaanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambayanan ni David; at Maria naman ang ngalan ng birhen. Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya, sumaiyo ang Panginoon. Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito. At sinabi ng Anghel sa kanya: “Huwag kang matakot, Maria, dahil maganda ang niloloob sa Diyos para sa iyo. At ngayo’y maglihi ka at manganak ang isang lalaki at pangangalanganan mong Jesus. Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibigay sa kanya ng panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Maghahari sa angkan ni Jacob magpakailanman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.” Sinabi ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong hindi ako ginalaw ng lalaki?” at sumagot sa kanya ang angel: “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kanyang kapangyarihan ng kataas-taasan kaya maging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayong ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kangyang katandaan, at nasa ikaanim na buwan na siyang itinuturing na baog. Wala ngang imposible sa Diyos.” Sinabi naman ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng Anghel.

PAGNINILAY

Sa pagdiriwang natin ngayon ng Immaculate Conception, mahalagang bigyang-pansin ang “Oo” ni Maria.  Sa kabila ng pagkabagabag sa simula, buong pagtitiwala niya pa ring sinabi, “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.”  Ang ‘Oo’ na ito ni Maria ang simula ng katuparan ng pangakong Tagapagligtas, na magpapabago sa mundo – dalawang libong taon na ang nakalilipas. Katumbas ng ‘oo’ ni Maria ang salitang Amen, na palagi nating sinasambit sa dulo ng ating dasal.  Mga kapanalig, sagrado ang salitang Amen, dahil ito’y “Oo” na may kalakip na paniniwala at katapatan. Maging huwaran nawa natin ang ‘Oo’ ni Maria sa pagtanggap ng kalooban ng Diyos sa atin.  Dahil ang pagsunod sa kalooban ng Diyos, tunay na magdadaIa sa atin sa buhay na ganap at kasiya-siya.  Panginoon, marapatin Mo pong matularan ko ang Mahal na Birheng Maria sa Kanyang katapatan at lubos na pagtitiwala Sa’yong banal na kalooban.  Amen.