MARCOS 1:1-8
Ito ang simula ng Ebanghelyo (o Magandang Balita) ni Jesukristo, anak ng Diyos. Nasusulat sa Propeta Isaias: “Ipinapadala ko ngayon ang aking sugo na mauna sa inyo para ayusin ang inyong daan. Narinig ang sigaw sa disyerto: ‘Ihanda ang daan para sa Panginoon, ituwid ang kanyang landas.” Kaya may nagbibinyag sa disyerto—si Juan—at ipinahayag niya ang binyag na may pagsasamang pagsisi para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Nagpugtahan sa kanya ang lahat ng taga-Judea at mga naninirahan sa Jerusalem. Inamin nila ang kanilang kasalan at bininyagan sila ni Juan sa Ilog Jordan.
May balabal na balahibong-kamelyo at pang-ibabang damit na katad ni Juan, at mga balang at pulot-pukyutang –gubat ang kinakain. At ito ang kanyang sinabi sa kanyang pangaral: “Parating na ang kasunod ko ang gagawa ang higit pa sa akin. Hindi nga ako karapat-dapat yumuko para magkalag ng tali ng tali kanyag panyapak. Sa tubig ko kayo bininyagan, at sa Espiritu Santo naman niya kayo bibinyagan.”
PAGNINILAY
Ayon sa Ebanghelistang si Marcos, ang pagpapahayag ng Mabuting Balita ng kaligtasan, nagsisimula sa misyon ni Juan Bautista na isinugong maghanda sa pagdating ng Panginoon. Maaaninag sa kanyang pananamit at pagkain ang kapakumbabaan na talikdan ang pansariling kaginhawaan at mithiin. Sa panahon natin ngayon, paano natin matutularan si Juan kung tayo’y punung-puno ng mga alalahanin at aktibidades ngayong papalapit na ang Pasko? Pinapaalalahanan tayo ng Ebanghelyo na bago tayo maging abala sa mga materyal o panlabas na aspeto ng Pasko, marapat lamang unahing ihanda ang kalooban, ang ating puso’t isipan. Ang pagdarasal ng taimtim, ang pagpapasalamat sa taong nakalipas, ang paghingi ng kapatawaran sa Diyos at sa kapwa—lahat ng ito’y mga makabuluhang paghahanda, na nag-aangkla sa ating mga sarili sa tunay na diwa ng panahon. Kailanman ang Pasko’y di matatagpuan sa Christmas tree, mapalibutan man ito ng samu’t-saring makukulay na palamuti, at mamahaling mga regalo, o kaya sa hapag na umaapaw ng masasarap at imported na pagkain—kung walang pagbabagong nagaganap sa puso’t isipan ng bawat miyembro ng pamilya. Lalong walang Paskong mararanasan kung mas madalas pa tayong namamalagi sa shopping malls o sa mga parties kaysa sa ating mga tahanan o pribadong buhay. Mga kapanalig, magiging makabuluhan lamang ang Pasko kung tayo’y magbabalik-loob sa Diyos at magbabagong-buhay. Ito ang pangunahin at tamang paghahanda sa pagdating ng Panginoon. Sa pamamagitan nito, makakamit natin ang tunay na kinang at kagalakang hatid ng Pasko. Hilingin natin sa Diyos ang biyayang ito.