Daughters of Saint Paul

Disyembre 11, 2017 Lunes sa Ikalawang Linggo ng Adbiyento

LUCAS 5:17-26

Isang araw, nagtuturo si Jesus at nakaupo naman ang mga Pariseo at mga guro ng Batas na galing sa iba’t ibang bayan ng Galilea at Judea at mula sa Jerusalem. Gumagawa ang kapangyarihan ng Panginoon sa kanya na magpagaling. May mga lalaking dumating na dala sa isang papag ang isang lalaking paralitiko. Sinikap nilang dalhin siya at ilagay sa harapan ni Jesus. Nang hindi nila makita kung paano nila madadala ang paralitiko dahil sa dami ng tao, umakyat sila sa bubungan at sa bubong nila siya idinaan pababa na nasa kanyang papag hanggang sa gitna sa harap ni Jesus. Nang makita niya ang kanilang pananalig, sinabi niya: “Kaibigan, pinatawad ka sa iyong mga kasalanan.” Nagsimula noong mag-isip-isip ang mga guro ng Batas at mga Pariseo: “Talagang iniinsulto ng taong ito ang Diyos. Sino ba ang may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan? Di ba’t ang Diyos lamang?” Ngunit alam ni Jesus ang kanilang mga pag-iisip kaya sinabi niya sa kanila: “Ano ang mga kaisipan ninyong ito? Ano ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatatawad ka sa iyong mga kasalanan’ o ‘Tumayo ka’t lumakad.’? Dapat n’yong malaman na may kapangyarihan sa lupa ang Anak ng Tao na magpatawad ng mga kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko: “Sinasabi ko sa iyo: bumangon ka, dalhin ang iyong higaan at umuwi.” At kapagdaka’y tumayo siya sa harap nila, kinuha ang kanyang higaan at umuwing nagpupuro sa Diyos. Namangha ang lahat at nagpuri sa Diyos. Nasindak nga sila at sinabi: “Nakakita tayo ng mga kagila-gilalas na bagay sa araw na ito!”

PAGNINILAY

Mga kapanalig, kahanga-hanga ang ipinakitang pananalig ng mga lalaking nagdala sa paralitiko kay Jesus.  Hindi nila pinansin ang anumang balakid at kahihiyan para lamang mailapit ang kanilang kaibigang maysakit sa harap ng Panginoon.  Hindi biro ang umakyat sa bubong na buhat-buhat ang maysakit, at lalong kapangahasan na tuklapin ang bubong ng bahay na hindi naman kanila. Batid nila na higit pa sa lahat ng iyon ang kapangyarihan at kabutihan ni Jesus, kaya wala silang sinayang na pagkakataon.  Ang ganitong pananalig ang malimit na tinitingnan ni Jesus sa mga tao upang kanilang makamit ang kanilang hinihiling.  Marami na rin ang mga pagkakataong nagpagaling siya ng mga maysakit dahil sa ipinakita nilang pananampalataya.  Sa bawat pagpapagaling, pinagtatagpo ang awa at kapangyarihan ng Panginoong Jesus sa pananalig ng tao. Kapanalig, gaano ba kalaki ang pananampalataya mo sa Panginoong Jesus?  Tandaan mo na walang duda ang kapangyarihan ng Panginoon para magpagaling, pero dapat din nating tingnan ang ating disposisyon sa pagtanggap sa Kanya.