Daughters of Saint Paul

Disyembre 12, 2017 Martes sa Ikalawang Linggo ng Adbiyento / Paggunita sa Mahal na Birhen ng Guadalupe

MATEO 18:12-14

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ano sa palagay n’yo? Kung may sandaang tupa ang isang tao at naligaw ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan sa kaburulan ang siyamnapu’t siyam para hanapin ang naliligaw? At sinabi ko inyo; Kapag nakita niya ito, mas natutuwa pa siya rito kaysa siyamnapu’t siyam na hindi naligaw. Gayudin naman, ayaw ng inyong Amang nasa Langit na mawala isa man sa maliliit na ito.”

PAGNINILAY

Ang Ebanghelyong narinig natin, patunay na ang pagmamahal ng Mabuting Pastol sa atin na kanyang mga kawan, dakila at pangkalahatan. Wala Siyang itinatangi, bawat isa’y mahalaga. Walang hangganan ang kanyang pagkalinga sa kabila ng ating mga kahinaan at katigasan ng ulo. Handa niyang ibuwis ang buhay at gawin ang lahat upang tayo’y mapanumbalik nang buo sa kanyang kawan. Mapagkumbaba rin ang pag-ibig ng Mabuting Pastol. Siya mismo ang naghahanap sa ating mga naliligaw ng landas. Hindi siya mapapanatag hangga’t hindi kumpleto ang kanyang kawan. At sa kanyang muling pagtagpo sa mga nawawalang tupa, dama niya ang tunay na kagalakan! Anumang pagkukulang, kayang kalimutan ng Mabuting Pastol sa pag-akay nito sa mga tupang ligaw.  Mga kapanalig, sa ating pang-araw-araw na buhay, marahil naranasan na nating maging mabuting pastol sa kapwa. Ang mga magulang na nagsusumikap palakihin at hubugin nang maayos ang kanilang mga anak; ang kaibigang hindi nagsasawang magpaalala sa tuwing naliligaw ng landas ang kanyang kaibigan; ang guro na hindi nagkukulang sa pagdidisiplina sa kanyang mga estudyante; ang pinuno na nagsusumikap mapaunlad ang kabuhayan ng kanyang mga nasasakupan, ang pari o relihiyosa na buong pagtatalagang ginagabayan ang bayan ng Diyos tungo sa kaligtasan – sila’y mga “mabuting pastol” sa kanilang katauhan. Sa katunayan, tayong lahat, may angking kabutihang magpastol; lahat tayo’y tinatawag na maging mabuting pastol saan man o anuman ang kalagayan natin sa buhay.  Makatutugon lamang tayo sa panawagang ito, kung tayo mismo nakaugat at ginagabayan ng Panginoon, na ating Mabuting Pastol.  Kung nagagawa man nating pastulan ng maayos ang ating pamilya, at mga taong ipinagkatiwala ng Diyos sa atin, ito’y dahil sa kapangyarihan ng Diyos na kumikilos sa ating pagkatao.  Hilingin natin sa Panginoon, na Mabuting Pastol na pagkalooban tayo ng pusong maunawain at mapagmahal na handang yakapin at paglingkuran ang lahat ng taong ipinagkatiwala Niya sa atin nang walang pagtatangi.