MATEO 1:18-25
Ito ang mga pangyayaring napaloob sa kapanganakan ni Jesucristo. Ipinagkasundo na ni Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdalantao na siya dala ng Espiritu Santo. Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya. Habang iniisip-isip niya ito, nagpakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, at manganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangalanan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanilang kasalanan.” Nangyari ang lahat ng ito para matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Maglilihi ang isang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin nila siyang Emmanuel na ibig sabihi’y ‘Nasa-atin-ang-Diyos.’ Kaya pagkagising ni Jose, ginawa niya ang sinabi ng Angel ng Panginoon at tinanggap niya ang kanyang asawa. Ngunit hindi sila nagtalik bago isilang ang sanggol. At pinangalanan niya itong Jesus.
PAGNINILAY
Mga kapanalig, si San Jose ang bida sa Ebanghelyong ating narinig. Isa siyang matuwid na tao. May pagmamahal at pagtitiwala sa Diyos. Kaya nga noong malaman niya na nagdadalantao si Maria, agad siyang nagpasya na hiwalayan si Maria. Hindi dahil sa galit, kundi dahil ayaw niyang mapahiya at mapahamak si Maria. Pero namagitan ang Diyos sa lihim na plano ni San Jose. Ipinaliwanag sa kanya ang katotohanan ng paglilihi ni Maria, at kung ano ang magiging papel niya sa buhay ng Anak ng Diyos na dinadala ng Birhen. Pinaniwalaan ito ni Jose at buong pusong tumalima sa kalooban ng Diyos. Kasama ng Mahal na Birhen, tinupad ni San Jose ang kanyang misyong alagaan ang Anak ng Diyos nang buong pagmamahal. Kahanga-hanga ang pananampalataya ng mag-asawang ito na nagtaguyod ng kanilang Banal na Pamilya sa Nazareth. Nanatili silang mababa ang loob at umaasa lamang sa awa ng Diyos. Hindi nila ipinagmayabang ang karangalan na maging magulang ni Jesus, na Tagapagligtas. Mga kapanalig, tularan natin ang kanilang kababaang-loob. Tulad nila, makita sana natin na ang lahat nagmumula sa Panginoon, ang lahat nangyayari ayon sa Kanyang plano. Matuto sana tayong igalang ang kalooban ng Diyos sa ating buhay at pasalamatan Siya maging sa mapapait na karanasan natin sa buhay. Panginoon, dagdagan Mo po ang aking pananampalataya nang matularan ko ang Banal na Mag-anak sa kanilang kababaang-loob na magpasakop sa Iyong banal na kalooban. Amen.