Daughters of Saint Paul

Disyembre 29, 2017 Biyernes Ika-5 Araw sa Pagdiriwang ng Pasko

LUCAS 2:22-35

Nang dumating na ang araw ng paglilinis nila ayon sa Batas ni Moises, dinala nina Jose at Maria ang sanggol na si Jesus sa Jerusalem para iharap sa Panginoon—tulad ng nasusulat sa Batas ng Panginoon. “Lahat ng panganay na lalaki ay ituturing na banal para sa Panginoon, dapat din silang mag-alay ng sakripisyo tulad ng binanggit sa Batas ng Panginoon: isang pares ng batubatu o dalawang inakay na kalapati. Ngayon, sa Jerusalem may isang taong nagngangalang Simeon; totoong matuwid at makadiyos ang taong iyon, hinihintay nya ang pagpapaginhawa ng Diyos sa Israel at sumasakanya ang Espiritu Santo, ipinaalam naman ng Espiritu Santo na hindi siya mamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Miseyas ng Panginoon. Kaya pumunta siya sa templo sa pagtutulak ng Espiritu, nang dalhin nang mga magulang ang batang Jesus para tuparin ang kaugaliang naaayon sa Batas tungkol sa kanya. Kinalong siya ni Simeon sa kanyang braso at pinuri ang Diyos at sinabi:  “Mapapayao mo na ang iyong utusan, Panginoon, nang may kapayapaan ayon sa iyong wika; pagkat nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas na inihanda mo sa paningin ng lahat ng bansa, ang liwanag na ibubunyag mo sa mga bansang pagano at luwalhati sa bayang Israel.”   Nagtataka ang ama at ina ng bata sa mga sinabi tungkol sa kanya. Pinagpala naman sila ni Simeon at sinabi kay Mariang ina ng bata: “Dahil sa kanya, babagsak o babangon ang mga Israelita at maging tanda siya sa harap nila at kanilang sasalungatin. Kaya mahahayag ang lihim sa pag-iisip ng mga tao. Ngunit paglalagusan naman ng isang punyal ang puso mo.”

PAGNINILAY:

Sa Ebanghelyo ngayon, agad nakilala ni Simeon ang sanggol na si Jesus bilang Mesiyas dahil babad siya sa panalangin at pagninilay sa kalooban ng Diyos.  Dahil sa kanyang pagtitiyagang maghintay sa kaganapan ng pagpapaginhawa ng Panginoon sa Israel, kinalugdan siya ng Espiritu Santo. Ipinahayag sa kanya ang kaganapan ng pangako ni Yahweh sa katauhan ng Ikalawang Persona ng Diyos na nagkatawang-tao.  Mapalad si Simeon dahil nagbunga ang kanyang pagtitiyaga at pananampalataya. Nakita niya at nahawakan ang Tagapagligtas.  Mga kapanalig, araw-araw pinagpapala rin tayo ng Panginoon.  Ipinadarama Niya ang Kanyang presensya sa mga taong ating nakakasalamuha, sa mga ordinaryong pangyayari at karanasan natin araw-araw, at higit sa lahat sa Sakramento ng Banal na Eukaristiya.  Gaano ba tayo ka-sensitibong makita at madama ang buhay na presensiya ng Paginoon sa lahat ng kaganapan sa ating buhay?  Idalangin natin na katulad ni Simeon, maging bukas din ang ating puso at isipan sa mahiwagang pagkilos ng Diyos sa ating buhay, at tanggapin Siya nang may papuri at pasasalamat sa bawat pagtanggap natin ng Banal na Eukaristiya.